GUSTONG yugyugin ni Kieran ang dalaga dahil tawa ito ng tawa na hindi niya maintindihan kung bakit. Para itong nang-aasar. "Why the hell are you laughing?" gigil ng tanong niya rito.
Hirap na hirap pa itong tumigil sa pagtawa bago tumingin sa kaniya. "Masyado kang mabait Kieran. Hindi mo ito kailangang gawin," sagot nito. Napansin niyang mas kalmado na ang tinig nito kaysa kanina. Wala na ang bakas ng helplessness sa mukha at boses nito. Pati ba ang pagiyak nito kanina ay arte lang nito? Alin ba sa mga nakikita niya rito ang tunay na ito?
"Hindi ako mabait. Gusto ko lang gawin kung ano ang tama. As much as I don't want anything to do with you anymore, I could not just ignore the child. Hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa kaniya kung ikaw lang mag-isa ang magiging magulang niya."
Nawala ang ngiti sa mukha nito at may kumislap na pait sa mga mata. Muli ay para na naman siyang sinuntok sa sikmura sa guilt na naramdaman niya. Bakit ba hindi niya mapigilan ang talas ng dila niya kahit na alam niyang dapat ay maayos niya itong kausapin sa pagkakataong iyon? Ibubuka na sana niya ang bibig upang bumawi pero nag-iwas na ito ng tingin at inunahan siyang magsalita.
"Kahit na hindi ko alam kung paano magpapalaki ng bata, o kung paano maging magulang dahil hindi ko naranasan magkaroon ng matinong mga magulang sisigurihin ko na palalakihin ko ng maayos ang anak ko," matatag na sagot nito.
Natigilan siya sa impormasyong iyon at kinutkot siya ng kuryosidad tungkol sa pamilya nito. Subalit hindi iyon ang tamang oras para doon. Next time. "At paano mo iyon gagawin? Ni hindi nga matino ang trabaho mo."
Tumiim ang mga bagang nito at matalim siyang tinapunan ng tingin. "Ano ba ang gusto mong mangyari ha? Galit ka sa akin hindi ba? Bakit ngayon gusto mong tumulong para sa ikabubuti ng anak ko? Anong gagawin mo? Pakakasalan mo ako, bibigyan siya ng sustento? Ano?!" sigaw nito.
Naputol na ang pasensya niya. "Pakakasalan kita! Masaya ka na? Titigil ka na ba sa pagtanggi kung ganoon ang gagawin ko? I might not like you but I will make sure my child will have a good life. With me. At kung kailangan pati ikaw ay makasama ko so be it. Now don't argue anymore because I'm not giving you a choice!" sigaw na rin niya.
Napipilan ito at nanlalaki ang mga matang napatitig lang sa kaniya. Sinamantala niya ang katahimikan nito. "Aalis ka na sa Club na iyon. Hindi ka na magtatrabaho and you will be staying with me after you get out of here. Pakakasalan kita dahil ayokong maging illegitimate ang bata kapag ipinanganak siya. All you have to do is behave and rest."
Nanginig ang mga labi nito pagkatapos ay muling nag-iwas ng tingin. Nakita niya ang pamumuo ng mga luha sa mga mata nito at saglit na nagkaroon siya ng urge na yumuko at halikan ang gilid ng mga mata nito para pawiin iyon subalit nagpigil siya. Hindi nito maaring malaman na humihina ang depensa niya kapag nakikita niyang umiiyak ito. Mahirap na baka dalasan nito ang paggamit doon.
"H-hindi ako pwedeng tumigil sa pagtatrabaho. Kailangan kong ilabas sa kulungan ang mga kapatid ko. Hindi ko sila maaring pabayaan dahil inalagaan nila ako mula noong iwan kami ng mga magulang namin. Panahon na para gantihan ko ang mga ginawa nilang sakripisyo para s akin," malamig na sagot nito.
"Damn, ako na ang bahala sa kanila okay? Gagawan ko ng paraan para itigil ang kaso laban sa kanila kahit na hindi ko ugaling gawin iyon," nabulalas niya bago pa niya naisip kung gaano kalaking pabor ang sinabi niyang gagawin niya para dito.
Gulat na napatingin na naman ito sa kaniya. "G-gagawin mo iyon?" halos pabulong na tanong nito.
Shit, Adrian and Neil will get angry at me for this. Tumango siya. Marahas itong bumuntong hininga na para bang nakahinga ng maluwag. Pagkatapos ay sumilay ang ngiti sa mga labi nito na nagpahigit sa paghinga niya. "Salamat," usal nito.
Tumikhim siya at dumeretso ng upo. Inalis na rin niya ang mga kamay sa mga balikat nito bago pa siya matempt gawin ang gustong gusto niyang gawin noon pa mang nakita niya ito sa stage ng Club. "Pero kapag inulit na naman nila ang dahilan kung bakit sila nakakulong ngayon wala na akong gagawin pa para tulungan sila," pormal na sagot niya.
"Hindi na nila uulitin. Nangako sila sa akin," anito sa magaang na tinig na kahit hindi siya nakatingin ay alam niyang nakangiti na ito. Good. Relieved na naisip niya.
Tumango siya at tumayo na. "Kakausapin ko lang ang doktor para malaman ko kung kailan ka pwedeng lumabas ng ospital," pormal na sabi niya rito.
"At sila ate?" hopeful na tanong nito.
Huminga siya ng malalim. "I'll make some phonecalls. Don't stress yourself too much by thinking about them and rest. Ako na ang bahala," aniya rito.
Muli ay may sumilay na ngiti sa mga labi nito. Napansin din niyang bumibigat na ang talukap ng mga mata nito. "Salamat Kieran," halos pabulong na usal nito bago nito ipinikit ang mga mata. Saglit pa ay tulog na ito.
Ilang minuto pa niya itong pinagmasdan lang sa pagtulog bago siya muling humugot ng hangin at tahimik na lumabas ng silid na iyon.
SA tingin ni Belle ay talagang napagod na lamang siyang makipagtalo, o marahil hindi na lang talaga niya alam ang gagawin at nakakuha siya ng pag-asa para sa mga kapatid niya kaya napapayag siya ni Kieran sa gusto nito. Kahit pa alam niyang hindi iyon dahil nais nitong makasama siya kung hindi dahil nagpapakabayani ito para sa batang nasa tiyan niya.
Isang araw lang ang inilagi niya sa ospital at pinayagan na siyang umuwi. Nakiusap siya kay Kieran na ibaba siya sandali sa Club upang maayos siyang makapagpaalam. Maganda naman kasi ang pakitungo ng mga tao roon sa kaniya at talagang malaki ang naitulong niyon sa kaniya. Labis ang tuwa niya na hinarap siya ni Miss Red Butterfly- malamang sa huling pagkakataon. Sinabi niya rito ang katotohanan kung bakit kailangan na niyang tumigil sa trabaho at mukhang naintindihan naman siya nito kaya pinayagan siya nito. Pagkatapos ay nagulat pa siya nang yakapin siya nito bago siya umalis.
"I hope you won't regret your decision to be with him Belle. Even if it's for your child, ang marriage ay dapat pinapasok kasama ang taong makakapagpasaya sa iyo, hindi ang magpapahirap sa iyo. It must be because of love not merely responsibility. Ang lalaking pakakasalan mo ay hindi dapat galit sa iyo, dapat mahal ka niya."
Iyon ang payo nito bago siya tuluyang umalis ng building ng Club Notteria. At talagang tumagos sa kaniya ang mga iyon. Pansumandali tuloy siyang nag-alangan kung tama ba itong ginagawa niya. Subalit nang makita niya si Kieran na nakatayo sa gilid ng kotse nito at hinihintay siya, nang magtama ang mga mata nila at magsimula itong lumakad palapit sa kaniya ay nawala ang agam-agam sa puso at isip niya. Bigla ay naamin niya sa sarili niya na nais niyang makasama ang lalaking ito. Kahit pa galit ito sa kaniya, kahit pa hindi na siya nito pinagkakatiwalaan, kahit pa gusto siya nitong pakasalan para sa bata at hindi dahil sa kaniya. Kahit pa hindi na gaya noong nagkakilala sila ay napakaguwapo at kisig na nito ngayon at kaya nitong humanap ng ibang babaeng mas higit sa kaniya.
Hindi na mahalaga ang mga iyon. Wala na siyang pakielam kung ano man ang mga dahilan nito, siya ay gusto lamang na manatili sa tabi nito. Ang umasa na darating ang araw na mapapatawad din siya nito sa kasalan niya rito. Ang umasang mahalin din siya nito. Dahil mahal na mahal pa rin niya ito.
"Nakapagpaalam ka na?" tanong nito sa malamig na tono. Huminga siya ng malalim at tumango. "Good. Let's go." Hinawakan siya nito sa siko at sumikdo ang puso niya nang mapansing sa kabila ng kalamigan nito sa kaniya ay maingat at masuyo ang paraan ng paghawak nito sa kaniya. Naitikom na lamang niya ang mga labi at hinayaan ang sariling kumalma sa presensya nito.

BINABASA MO ANG
THE SWINDLER AND THE BEAST
RomanceNapadpad si Belle at ang mga kapatid sa San Bartolome nang tumakas sila mula sa mga taong naloko nila sa Maynila. Gusto na niyang magbago sila pero na-curious ang mga ate niya sa sekreto ng malaking bahay sa isang bahagi ng bayang iyon. Nautusan siy...