“Hindi ka na mahal ni Daddy, Rosario. Tingnan mo ngayon, wala siya sa importanteng araw mo. Remember when it was my fifteenth birthday? Dumalo si Daddy. Hindi niya ako nakalimutan.” Tumaas ang sulok ng labi ni Lyra, nanunuya.
Mariin lang na nakatingin sa pintuan ang batang ako. Hinihintay kong pumasok doon si Papa. Nangako siya sa ikalabin-apat na kaarawan kong dadating siya. Sinabi niyang ipagpapaliban niya ang meetings niya para lang makadalo. Naghintay ako. Umasa akong magpapakita siya dala ang regalong matagal na niyang ipinangako rin sa akin.
“Kawawa ka naman, Rosario. Tanggapin mo na lang kasi na ako na ang bagong favorite ng Daddy. Nakukulitan na siguro siya sa 'yo kasi palagi ka na lang sumusuway kay Mommy—Ah!”
Lumagapak ang isang baso sa sahig noong hinampas ko ang lamesa. Nagkapira-piraso ang baso sa sahig. Tiningnan ko siya ng masama. “Tumahimik ka, Lyra! Wala kang karapatang bastusin ako sa pamamahay ko. Kahit matanda ka sa’kin ng isang taon, papatulan kita. Naiintindihan mo? Ako ang tunay niyang anak. Ako!”
Sa eksena, dumating ang naguguluhang doña. Noong nakita niya kami sa gano’ng sitwasyon, kaagad na rumihestro ang galit sa kaniyang mukha. Pinagsabihan niya kaming dalawa. Sumbongera si Lyra at nabuhay na yata para gawin akong masama sa harap ng mama niya. Naging mitsa ‘yon para ako naman ang pinagalitan ng todo kahit pa alam kong ako ang nasa tama.
Sumunod ang eksena sa isang malawak na tubuhan, nakaupo ang dalawang magkaibigan sa isang tela na may mga kakaning nakahain. Kaming dalawa ‘yon ni Levy. Masaya kaming nagkukwentuhan tungkol sa naging pagkapanalo ng skwelahan namin sa volleyball. Sinubukan pa niyang kilitiin ang leeg ko dahil tinukso ko siyang malamya sa naging laban nila (na sa pagkakatanda ko’y kabaliktaran naman).
Gano’n na lang ang pag-asim ng mukha ko pagkaupo ni Lyra sa gitna namin. Hindi man lang nito tiningnang natabig ang baso ng juice na malapit sa akin kaya nabasa ang shorts ko.
“Ganiyan ka ba talaga ka bastos para hindi mo makitang may tao rito?” Sinamaan ko siya ng tingin.
“Ay, sorry. Akala ko kasi isa ka lang ornament. Pan-display lang kumbaga.” Ngumisi siya ng pagkatamis-tamis at hinawi ang hanggang beywang niyang buhok. Bruha.
“Levy, ‘di ba tutulungan mo pa ako sa trigo?” Lumingkis siya sa braso ni Levy. Para namang hindi ko alam na paraan niya lang ‘yan para mapunta sa kaniya ang atensiyon ng kaibigan ko.
“Ngayon ba ‘yon?” Napakamot ng ulo si Levy bago ako mapagpaumanhing tiningnan.
“Babawi ako bukas, Rose. Tutulungan ko muna si Lyra.” Nangako nga siya. Puro na lang “bukas na, Rosario”, “sa susunod na linggo na lang siguro”, “sorry nakalimutan ko, try ko sa makalawa”, at marami pang iba.
Sumunod na nagpakita ang mukha ni Papa. Galit itong hinihila ang braso ko paakyat sa mini library niya. Sumisikip ang dibdib ko habang nakikita siyang pabalik-balik ang lakad. Dinaluhan ko siya pero iwinaksi niya lang ang kamay ko. Gusto ko siyang sigawan ng, “Pa, ako ang anak mo! Makinig ka naman sa’kin, o. Nakalimutan mo na ba? Gusto mo bang ipaalala ko?” pero napipe ako. Luha lang ang umagos sa pisngi ko. Parang kinuyumos ang puso ko sa paraan ng kaniyang pagtitig.
“Di ko inakalang kaya mo ‘tong gawin sa kapatid mo, Rosario. Pinahamak mo si Lyra. Alam mo ba ‘yon? Paano kung hindi dumating ang mama mo? Baka napatay mo na siya! Desi otso anyos ka pa lang pero ganito na ang mga inaasta mo. Hindi na kita kilala!”
Parang suntok sa akin ang pang-aakusa ni Papa. Dahil ba nakita nilang itinulak ko si Lyra, ako na kaagad ang dapat sisihin sa lahat? Ni hindi niya man lang tinanong kung kumusta na ako sa kabila ng ilang buwan niyang hindi pag-uwi sa bahay.

BINABASA MO ANG
Nocturnal
Mystery / ThrillerNagulantang ang noo'y mapayapang lugar ng Santa Maria noong pumutok ang balitang may kumakalat na sindikatong nangunguha ng lamang-loob ng tao at iniiwan ang mga bangkay sa liblib na lugar. Bilang kasapi ng Santa Maria Police District, naatasan ang...