Nagkaroon ng maliit na komosyon ang mga manonood nang dumaan ang babae sa kanilang harapan. Sinamahan siya ng mga sundalong may hawak-hawak na rifle na mayroong mga bayoneta sa dulo nito. Nakasuot ng puting camisa ang babae, puting panuelo, pulang palda at may salakot sa ulo. Kapwa nakatali ang mga kamay sa kaniyang likuran at nakapiring ang kaniyang mga mata.Pagkatapos dinasalan ng pari ang babae. At matapos masuri ng doktor ang kaniyang pulso. Agad pumwesto ang mga itinalagang sundalong pilipinong babaril sa kaniya. Nang bigla na lamang siyang may inusal.
" Sigarilyo "
Nang mapansin iyon ng heneral ay agad niyang sinenyasan ang mga binatang kasali sa drum corps na itigil na muna ang namumutawing tunog ng mga tambol sa paligid na sadyang ipinatugtog upang hindi marinig ang anumang sasabin ng babae. Saka niya sinenyasan ang isang koronel.
Naunawaan agad ng koronel ang nais mangyari ng heneral kung kaya't agad niyang pinatakbo ang kabayo na ngayo'y sinasakyan niya patungo sa puwesto ng babae. At nang makalapit ay lumundag siya mula roon.
" Ano?! " Tanong ng koronel habang inilapit nito ang mukha sa kaniyang bibig.
" Sigarilyo " muli niyang tugon. Ni walang mababakas na takot o emosyon man lang sa tono ng pananalita niya na animo'y isang kalmadong dagat na hindi papatinag sa haring hangin.
Napailing na lamang ang koronel sa kaniyang narinig saka muling sumakay sa kaniyang kabayo. Sinamaan siya ng tingin ng koronel.
" Estas Loco! " ( Baliw ka talaga! ) matalim na saad ng koronel saka hinatak ang lubid ng pakanan patungo sa direksyon ng mga sundalo.
" Sigarilyo daw! " sigaw ng koronel. Napangisi naman ang mga sundalong espanyol at ibang sundalong pilipino nang malaman nila ang kaniyang inusal. Sinang-ayunan na lamang siya sa kaniyang kahilingan upang maipatupad na ang sentensyang kamatayan sa nasabing babae.
Kabilang sa ngumising sundalo ay isang tinyente. Ngunit bakas sa hitsura at kilos ng kanilang heneral na hindi ito natutuwa, na siya pa namang nanguna sa pagpapadakip ng babae. Tila ginawang katatawanan lang ng kaniyang mga sundalo ang hiling ng babaeng iyon. Kaya naman nang mapansin iyon ng heneral ay tila nagbago ang ihip ng hangin. Ang tinyente na kanina'y puno ng saya ngayon ay napalitan ng takot at pagka-aligaga. Agad kumuha ng sigarilyo ang tinyente saka lumapit sa heneral. Sinenyasan naman niya ang tinyente upang maibigay ang nais nitong sigarilyo.
Inilagay ng tinyente ang sigarilyo sa bibig ng babae at maagap itong sinindihan. Sinasabing kinakailangang nakatalikod ang babae sa sampung sundalong babaril sa kaniya. Sa takdang oras na ito'y babarilin ngunit nagpupumilit siyang harapin ang mga ito. Nanatili siyang kalmado. Humithit pa nga ito sa sigarilyong ibinigay ng mga sundalo na tila hindi nito alintana ang kamatayang naghihintay sa kaniya.
" Eso es todo! " Sigaw ng heneral. Napalingon naman ang tinyente sa sigaw ng heneral saka muling napatingin sa babaeng kaharap niya.
" Narinig mo ba ang sinabi ng heneral?!tama na daw! " singhal ng tinyente.
Natigilan siya sa paghithit ng kaniyang sigarilyo at marahang ibinuga mula sa butas ng kaniyang ilong ang makapal na usok niyon. Hanggang sa tinanggal ng tinyenteng iyon ang sigarilyong nakaipit sa pagitan ng mga labi ng babae.
" Nababatid kong nasusunog na ang iyong kaluluwa sa impyierno " wika ng tinyente. Pinakiramdaman ng babae ang tinyente saka bahagyang humakbang papalapit sa kaniya na siya namang ikinalaki ng kaniyang mga mata. Napahigpit naman lalo sa pagkakahawak sa kani-kanilang dalang baril ang mga sundalo sa harap habang inaasinta ang babae.
" Impyierno? " panimula ng babae. " Paano ka nakakasiguro na totoong may Impyierno? Ni walang ebedinsyang na nagpapatunay na totoong may Imyierno? O kung meron man gawa gawa o produkto lang iyon ng malikot na imahinasyon ng isang hindi kilalang manunulat " mahinang tugon ng babae saka marahang ngumiti. " Imyierno, langit, purgatoryo o demonyo. Ang lahat ng mga iyan ay pawang kathang-isip lamang. Kahit ang pinaniniwalaan niyong Diyos ay hindi kailanman nabuhay "
Nang marinig iyon ng tinyente ay nakaramdam siya ng matinding takot at napahakbang papalayo. Nanginginig ito at namumutla. Animo'y hindi makapaniwala sa tinugon ng babae.
" D-demonyo.... Isa kang demonyo! " paulit-ulit niyang sigaw.
" Tinyente Felipe! " sigaw ng heneral. " Lumayo ka na riyan, baka ikaw ay madamay pa! " Marahan namang napalingon ang tinyente sa sigaw na iyon ng heneral saka kumaripas ng takbo patungo sa kaniyang puwesto.
Sandaling naghari ang katahimikan sa paligid. Natahimik na ang iilang taong naroon na naniniwalang hindi makatarungan ang ipinataw na parusang kamatayan sa naturang babae. Gayundin ang mga taong hindi na makapaghintay na malagutan na ng hininga at mabura na ito sa mundong ibabaw ay natahimik na rin. Napatingala ang komandante sa langit sa biglaang pagkulimlim niyon saka muling napatingin sa babae. Ilang sandali pa itinaas ng komandante ang kaniyang sabre.
" Abunte! "
Ngunit bago pa man niya maibaba ng tuluyan ang kaniyang sabre ay tanaw na marahang gumalaw ang labi ng babae. Isang senyales iyon na may huli siyang inusal.
" La vie n'a pas de sens " ( Life is Meaningless) kalmado niyang usal. At walang ano-ano'y ibinaba na rin nang komandanteng iyon ang kaniyang sabre.
" Fuego! "
Umaalingawngaw sa buong paligid ang sunod-sunod na putok ng mga baril. Kasunod niyon ay tanaw ang mga nagsialisang mga ibong nagpapahinga sa mga puno.
Bagaman nakapikit at nakapiring ang kaniyang mga mata tila nakatingin ito sa mga ulap. Matapos bumagsak sa lupa nang matamaan ng mga bala sa hita, binti at katawan. Animong damang dama niya ang bawat patak ng ulan sa kaniyang mukha. Hindi nagtagal walang malay niyang inilagay ang kaniyang ulo sa gawing kaliwa. Saka humugot ng panghuling hininga bago tuluyang binawian ng buhay.
