Ville Jet Abellar
Sabi nila school is our second home daw. Pero para sa akin? School is a market. Bentang-benta ka dito kapag may utak ka. Basta marunong ka lang i-market ang talino at sipag mo, mapupuno kaagad ang bulsa mo.
Hindi ka lang dapat marunong magbenta. Dapat marunong ka ring mag-presyo ng serbisyo. Tunog bayaran ba? Well, dati ko din namang pinangarap maging katulad ng nanay kong lumalambitin sa pole habang sinasabuyan ng pera ng mga kalalakihan.
"Hoy, hoy, teka. Saan ka pupunta? Kulang 'tong bayad mo ng isang daan." Ang pagtawag ko sa isang estudyanteng akmang tatakas na sana.
"Dude, that's 2k! What do you mean kulang?"
Tingnan niyo 'tong conyito na 'to. What do you mean kulang? Nyenyenye. Arte-arte. Kung di ko lang to suki baka matagal ko na tong pinatulan.
"Hoy, Martin. Wag mo kong inaartehan. Alam kong alam mo kung anong kulang. May pinadagdag kang kaklase mo, andami kong kinailangang baguhin diyan." Ang nakapameywang kong sagot dito. "Bilis na! May klase pa ako."
Inis itong napakamot sa noo saka kumuha ng pera sa pitaka niya. Napasipol pa ako nang makita ang limpak-limpak na salapi sa kanyang pitaka. Shit! Walang one hundred. Secure na ang 1k!
Nakangiti kong inilahad ang akinh kamay sa kanyang harapan at pasensyosong hinintay na ilapag niya doon ang pera. Pero walang 1k ang lumapag sa palad ko. Tiningnan niya muna ako ng masama bago itinapon sa sahig ang isang libo.
"Pulubi!"
"Che! Bahala ng pulubi basta hindi bobo kagaya mo!"
Sinamaan ko siya ng tingin bago pinulot ang isang libo sa sahig. Muntikan pang lumipad itong baby ko. Nakaka-badtrip.
Hindi naman bago sa akin ang ganito. Sanay na akong tinatawag ako ng kung anu-ano ng mga suki ko. Parte na rin ata yon serbisyo ko. Gold-digger, money hungry, money grubber, pulubi, bayaran at kung anu-ano pang salitang nakakababa ng moral.
Noong una aminado akong nasasaktan ako. Pero kalaunan ay natuto rin akong lunukin ang pride ko. Kahit tinatawag nila ako ng kung anu-ano babalik at babalik pa rin sila sa akin para magpatulong. Saka nababawasan ang sama ng loob ko kapag inaabot—tinatapon na nila sa akin ang pera.
Habang naglalakad ako sa field papunta sa building ko hindi ko maiwasang mapansin ang kumpol ng mga estudyante sa gitna. Pati iyong mga estudyante sa mga building dumudungaw rin para makita kung nangyayari sa ibaba.
Naglakad ako papalapit doon pero hindi ko makita ng maayos kasi sobrang raming estudyante. Parang higante pa ang mga 'to sa taas. Kahit tumalon-talon ako wala akong makita. Nagsimula na namang magsigawan ang lahat kaya mas lalong nadagdagan ang kuryusidad ko.
Mabuti na lang at maliit akong tao. Sumuot ako sa maliliit na espasyo ng mga estudyante hanggang mapunta ako sa harapan. Pero agad ko rin iyong pinagsisihan nang makita ko kung anong mangyayari. Akala ko pa naman, may suntukang nangyayari.
May nagpro-propose lang pala.
"Ambaduy," ang komento ko habang nakita ang isang pamilyar na lalaking naglalakad patungo sa isang magandang babae.
May bitbit pa na boquet at teddy bear ang lalaki. Sa likuran naman niya ay may mga lalaking nakatayo bitbit ang mga letrang bumubuo sa salitang BE MY GIRLFRIEND. My goodness, wala ba tong originality? Kumuha lang yata to ng inspiration sa facebook.
"Uy, Ville!" Napalingon ako sa gilid ko ng marinig ko ang boses ng kaibigan kong si Louise. Anong ginagawa nito dito? Eh taga kabilang school tong hayuf na to eh.
"Anong ginagawa mo dito, Louise?" Ang kunot noo kong tanong.
"Gusto ko kasing mapanuod to! Di ba si Rocket 'yon? Yong crus—" Nanlaki ang mata ko nang muntikan na niyang maibulalas ang maitim kong sikreto. Mabilis kong tinakpan ang bibig niya para hindi na kumalat sa buong campus ang mabaho niyang hininga.
Masyadong nagkakalat ng peyk news ang bakla. F Y I, ex-crush ko na 'yan no!
Lumingon-lingon ako sa paligid at sinamaan siya ng tingin. Kumuha ako ng sekwenta pesos mula sa bulsa ko at isinilid iyon sa bulsa niya.
"Bili ka munang toothpaste sa labas, baks. Ang baho na kasi ng bibig mo," suhestyon ko bago tinanggal ang kamay ko mula sa pagkakatakip sa kanyang bibig.
Huminga ito sa palad niya at inamoy ang sariling hininga. "Mabaho ba talaga, baks?"
"Oo. Mag-toothbrush ka muna ha? Nasa library mamayang alas-kwatro ang mayor namin. Sige na. Layas na. Magpaka-talino ka para may panlaban ka sa jowa n'on." Ang sabi ko bago ko siya marahang tinulak palabas ng circle. Ilalalaglag pa ako ng gaga.
"Okay, baks. Basta tandaan mo hindi lang si Roc—"
Pinanlakihan ko ito ng mata at tuluyang itinaboy. Nang masigurado kong wala na ang gaga, doon ko ibinalik ang paningin sa harap.
Lumuhod si Rocket sa harap ni Blythe saka nito hinawakan ang kanyang mga kamay.
"Blyte Ong, will you be my girl?" Gulat na gulat ang lahat nang dumagundong sa buong campus ang boses niya. Konektado yata sa speaker ng buong school ang hawak niyang microphone.
Mas lalong lumakas ang sigawan at tilian ng mga estudyante nang makarecover sila mula sa gulat. Shuta! Kung makatili akala mo pinuputulan ng tinggil. Wala ba tong mga klase at may oras silang maglalandi dito sa field?
Nasaan na ba ang mga taga SBO? Bakit hindi pa nila dinadampot—
"R-Rocket..I'm sorry. You're nice, handsome and a funny guy pero I like guys who are smart. Iyong matatalino at hindi lang puro pagbubulakbol ang alam sa buhay. I'm really sorry, Rocket. I don't think we're meant to be." Ang nahihiyang sabi ni Blythe bago nagtatakbo paalis sa harapan ni Rocket.
"Yes!" Napa-suntok pa ako sa hangin sa tuwa.
Napatingin sa akin ang mga estudyanteng malapit sa akin. Pero kever! Nakangiti akong rumampa palayo sa lugar na 'yon. Hindi ito dahil kay Rocket Grimalde, okiz? Naalala ko lang kasi iyong tatlong libong pera na kita ko ngayong araw.
Dahil sa tuwa ko, na-perfect ko lahat ng exam namin ngayon. Mula sa pre-cal hanggang sa earth sci na hindi ko gaanong napag-aralan. Kahit hindi ako participative sa mga extra curricular activities, sinisigurado ko namang mapapantayan ko ang mga grades ng mga top students.
Gusto ko kasing makakuha ng full scholarship sa branch ng school sa Canada. Kapag nakapasa ako sa exam sa summer sa Canada ko tatapusin ang senior year ko. Doon na rin ako magco-college. Kapag nangyari yon, pwede akong mag-part time doon. Makakaipon kami ng pera ni mama pambili ng sariling bahay. Hindi na rin niya kailangang magtrabaho sa bar.
"Nak, kumusta ang school?" Napatingin ako sa pintuan nang pumasok ang mama ko.
Nakasuot ito ng pekpek short at spaghetti strap. Bitbit niya sa isang kamay ang isang supot na may lamang grocery at sa kabila naman ay payong. Kapag titignan mo siya, aakalain mong isang simpleng may bahay lang siya. Pero higit pa doon ang mama ko. Ito ang superhero namin kahit kaaway siya sa paningin ng iba.
Nagmano ako dito at kinuha ang plastic na dala-dala niya. "Okay lang naman po, mama."
"Mabuti naman. Siya nga pala, wag kang dumadaan d'on sa may short cut. May bakla na namang bugbog sirado silang nakita doon. Mabuti na lang at hindi ito namatay. Kaya ikaw, ingatan mo yang sarili mo. Saan si Sam at Pandan?" Tanong nito sa akin.
"Sa taas po," ang sagot ko dito habang nilalabas isa-isa ang mga de lata, shampoo, sabon, at noodles.
Hindi pa man tuluyang nakakaakyat si mama sa taas ay siya namang pagkatok ni Satanas ng sunod-sunod sa pintuan namin. Napahilamos si mama sa mukha bago naglakad patungo sa pintuan. Iniwan ko rin ang ginagawa ko at sumunod sa kanya.
Sa labas ng aming pintuan nakatayo ang yawa naming landlord. Nakasabit sa buhok niya ang mga makukulay na curler. Sa isang kamay naman ay nakaipit sa pagitan ng mga daliri ang isang stick ng sigarilyo.
"Mabuti naman at naabutan kita, Belin. Alam mo na kung ano ang ipinunta ko dito." Ang taas kilay niyang banggit habang inilalahad ang kanyang kamay kay mama. Makapag-taas kilay 'tong bruhang 'to parang real na real ang kilay pina-tattoo lang naman kaya nagkakilay kulay green nga lang.
"Fe, kasi.." napahawak si mama sa kanyang batok at alanganin akong nilingon. "Pwede bang sa susunod na buwan na lang? Gipit pa talaga kasi ako ngayon. Naubos ko kasi ang pera sa pagpapa-ospital kay Sam at Pandan n'ong sunod-sunod silang magka-dengue. Kung pwede sana 'yong kuryente at tubig na lang muna babayaran namin."
Kunot noo at nanlilisik ang mata itong napatingin kay mama. "Ano?! Aba'y hindi pwede 'yan! Dalawang buwan ka ng hindi nagbabayad ng upa, Belin. Wala na akong pera panggastos sa bahay. Iyang bayad mo nalang ang inaasahan ko. Huwag mong sinasagad ang kabutihan ko. Noong nagmakaawa kayong uupa, tinanggap ko kayo agad kahit malas sa negosyo ang mga pokpok kasi kampante akong magbabayad kayo ng maayos. Tapos gagantuhin niyo ko?! Aba'y mas mabuti pang magsilayas na kayo at ng—"
Sinampal ko ang sampung libo sa kamay niya at ibinagsak sa lubak-lubak niyang mukha ang pintuan.
Maayos kaming nagbabayad ng upa sa kanya. Noong isang buwan at ngayon lang hindi nakabayad si mama dahil nagkasakit ang mga kapatid ko. Tuwing may problema ang pamilya nila, takbuhan nila ang mama ko para umutang. Porke't nabayaran na niya ang tatlong taon niyang utang kay mama, aasta na siyang ganyan?
"Nak, pasensya ka na. Mahina kasi ang kita sa bar ngayon. Kaunti lang ang customer na dumadayo dahil may bagong bukas na bar malapit sa amin. Kapag nagka-pera ako, babayaran kita ha?"
Umiling ako sa kanya at bumalik sa ginagawa ko kanina. "Okay lang, ma. Para sa atin naman iyong pera. Ipunin niyo na lang po ang pera para pambayad ng utang ni papa. Limampong libo na lang naman po 'yon."
Pagkatapos kaming gawing punching bag ng papa ko, nagpakamatay ito at iniwan sa amin ang higit isang milyon niyang utang. Buti sana kung ginamit niya iyon para sa amin eh ginamit niya lang 'yon panggamot sa kabit niya. Pagkatapos mamatay ng kabit niya ayon sumunod.
"Salamat, nak."
Ang dalawampong libong ipon ko ay naging walong libo na lang. Kakaltasan ko pa ito pambayad ko ng wifi. Kailangan kasi para hindi na ako pumupunta ng computer shop para gawan ng mga projects, assignments, essays, research at kung anu-ano pang hindi kayang gawin ng mga tamad na estudyante. Pati sa ibang school, tumatanggap rin ako ng mga customer. Minsan nagtu-tutor din ako sa mga elementary student kapag papalapit na ang exams.
"Uy, Ville. Narinig mo ba? Binasted daw si Rocket mylabs."
Ang aga-aga, good news kaagad sumalubong sa akin.
"Hala talaga?!Bakit daw?" Ang kunwaring gulat kong tanong dito.
Alam ko naman ang nangyari pero gusto ko lang marinig ulit ang magandang balita.
"Bobo daw kasi si Rocket kaya gan'on." Ang sabi nito sa malungkot na boses. "Hindi naman gan'on kabobo si kuya Rocket. Palagi lang talaga siyang nagcu-cutting."
Huwaw, maka-kuya si classmate parang kapatid. Bet mo ang family stroke, gurl?
Hindi nagtagal pumasok na rin ang teacher namin para sa first subject. Tuwing wala ang teacher o break, ang chismis lang kahapon ang topic ng girls. Ang mga boys naman ay busy sa paglalaro ng mobile legends. Wala naman silang paki sa kakaringkingan ni Rocket.
Paminsan-minsan rin akong sumasali sa kanila habang nagbabasa ng libro. Nasa dugo ko na talaga ang pagiging chismosa. Maraming natuwa at humanga kay Blythe pero marami ring galit dito.
"Pst. Hoy!"
May narinig akong sumitsit pero hindi ko ito nilingon. Hindi naman tinawag ang pangalan ko kaya hindi siguro ako ang tinatawag.
"Hoy, bakla!"
"Hoy! Gago, bingi! Bakla na nga, bingi pa." Doon na ako napatigil nang ma-realize ko kung sino 'yon.
Luminon ako sa likuran ko at nakita ang nag-iisang Rocket Grimalde. Wala itong suot na necktie at naiwan pang nakabukas ang unang tatlong butones ng kanyang puting polo sa ilalim ng kanyang blazer.
"Ako po ba? Bakit po?" Ang magalang kong tanong dito.
"Di ba ikaw yong baklang bayaran? The one who tutors and shit?" Ang kunot noo niyang tanong.
"Yes po, kuya, bakit po?"
Kumunot ang noo niya. "Stop calling me kuya at hindi ko pwedeng sabihin sa'yo dito. Sa library ta'yo mag-usap."
Tiningnan ko ang relos ko at nakitang almost 4pm na. May naghihintay pa sa aking magpapa-tutor. Dalawang libo rin 'yon.
"Wala na kasi akong oras, boss. May ime-meet pa akong chikiting para turuan. Pwede bang next time na lang?"
"Magkano ba ang bayad nila sa'yo? Tatapatan ko basta makipag-usap ka lang sa akin ngayon."
Malakas akong napa-ubo sa huli niyang sinabi. Bakit iba ang dating n'on sakin?
Tumigil ka, Ville! Ex-crush mo na 'yan. Kapag tinapun mo na bawal ng pulutin.
Chos! Save mother earth. I-recycle ang dapat i-recycle.
"A-ano..2k lang naman." Ang sagot ko sa kanya.
"2,500. Sapat na ba 'yon para mapanatili ka?"
Umiling ako at malungkot na tumingin sa kanya. "Naku, boss. Napalapit na kasi sa akin 'yong bata kaya pasensya n—"
"Fine! 4 thousand. Is that enough?"
"Saan ang lakad natin, boss?"
Madali naman akong kausap.
-----------------------------------------------------------
July 5, 2020