Nginusuan ni Nano si Detdet. “Hindi naman assignment ginagawa niyan.”
“Personal assignment ko ‘to!” sagot ni Gigi. Maganda na sana ang imahe niya. Sinira lang ni Nano.
“Alam mo magandang personal assignment? Hanapin suklay ni Ate Melay,” hagikgik ni Nano.
Pabirong umirap si Gigi. “Hayaan mo siya. Bakit kasi hindi iniingatan ang gamit. Buti pa ako!” pagmamalaki niya. Mahalaga ang suklay na ‘yon kay Melay, kaya nagtataka siya kung bakit iniiwan lang kung saan-saan. Ang mas nakakataka, bakit laging may hawak na suklay ang Ate Melay niya?
***
“HUMINGI KA ng paumanhin sa Ate Melay mo,” sabi ni Bebe kay Gigi na nagbibilang ng barya. Dalawa na lang sila sa sala, nasa kwarto na ang iba. Naiwan sila para isarado ang sari-sari store at i-record ang kinita nila buong araw.
Umangat ang kilay ni Gigi. “Paumanhin? Para saan? Hindi naman ako ang kumuha ng suklay niya,” katwiran niya. Nanahimik lang naman siya, ginagawa ang personal assignment sa notebook niya. Kung magsasalita naman siya, iyon ay dahil nais niyang mang-asar.
“Inaasar mo siya kanina. Ate mo pa rin siya. Kung mang-aasar ka, sa mga batang pinsan mo na lang o kay Nano,” hininaan ni Bebe ang pagbanggit kay Nano.
Napanguso siya. Labag man sa kalooban, gagawin niya na lang. Be the bigger person, ika nga nila. Bukas niya na gagawin. Mahimbing na ang tulog si Melay. Kapag ginising, baka maging dragon.
Pumasok na siya sa kwarto pagkatapos bilangin ang kita. “Kung hindi siguro sumigaw si Ate Melay kanina, hindi matatakot bumili ang mga kapit-bahay, e’di mas mataas sana kita,” isip niya. “Pero mas mainam na atang nawala yung suklay niya. Baka sakaling tumulong na rin siya sa tindahan,” dagdag niya.
Think positive lang dapat. Dalawa lang sila ng Ate Detdet niya na nagbabantay sa tindahan pagkatapos ng klase. Kasama rin naman nila si Nano kaso nanggugulo lang. Inaaya silang makipaglaro kanila Jes, isa sa mga pinsan nila, imbis na gumawa ng assignment o magtinda. Hindi niya naman tipo ‘yon, bukod na lang kung mang-t-trip sila ng ibang bata gaya ng ginagawa nila ni Junjun.
Hi, DiarY!
Sad ako today :(((. Waw, english??? Inis nanaman sa’kin si Ate Melay, pinagbintangan na ako raw kumuha ng suklay niya. HellOo??? Bakit ko nanaman kukunin ang suklay niya puro balakubak niya??? Ewwww. May sarili naman akong suklay, simple ngA lang kumpara sa brush niyang puro glitters. Kyut nga perO pramis, hindi talaga akO yung nagnenok. Hindi naman ‘yon hany o sTik o stiCk O para kUhanin ko. OkEy lang naMan daW kumUha kami sa tindahan sabi ni papa. Da best talaga siya. ‘Wag lang daw kami mahuli ni mama. Hehehehe. Soweeee.
̶E̶k̶s̶i̶̶t̶r̶e̶d ̶E̶x̶i̶t̶e̶d Basta, diary! Nananabik akO na pumasok na sa skul bukas!! Makikita kO na si kraSh <3. Dapat preetY ako. Hihihi—
“Gigi! Matulog ka na! Lalabo mata mo niyan!” sigaw ni Pio nang mapansin ang liwanag ng flashlight sa gilid. Iisa lang naman ang anak niyang nag-iilaw sa gabi para magsulat sa diary—si Gigi. Minsan na niyang sinubukang buklatin ito nang mahuli siya ni Bebe at pinagsabihan. Privacy daw.
Pasimpleng humilik si Gigi at tinago ang diary at flashlight sa ilalim ng unan. Sa panaginip na lang niya dadalawin ang napupusuan niya—pero iba ang dumalaw sa kanya.
“Sorry, Ate!” yumuko si Gigi sa harap ni Melay. Hindi siya dinapuan ng tingin nito at nagsuklay lang sa harap ng salamin. “Ate, sorry nga!” Marahan niyang yinugyog ang braso ni Melay, kaya lalong nagsalubong ang kilay nito.
Kailangan niya talagang humingi ng paumanhin. Bukod sa utos sa kanya ni Bebe, binangungot siya kagabi. Binugahan siya ng apoy ng isang dragon. Hindi lang basta dragon, si Ate Melay niya na dragon! Mas nakakatakot! Mas mabagsik! Mas nakakabaliw dahil may hawak na suklay ang dragon!

YOU ARE READING
Bebe's Sari-Sari Store
Historical FictionBatang 1900s Series #1 | "Bili na sa sari-sari store ni Bebe!" Samu't saring pagsusulit sa buhay. Iba-iba ang karanasan. May barayti ang pagharap sa bawat problema, gaya ng mga binebenta sa sari-sari store, mula sa softdrinks, kendi, at sitsirya, ha...
Unang Kabanata
Start from the beginning