“Tsk,” irap ni Melay at umalis sa pwesto. Inayos niya ang uniporme at pinagpag ang parte na hinawakan ni Gigi.
“Sungit,” bulong ni Gigi sa sarili at umirap. Pagkaangat niya ng tingin, tumama ang mata niya sa repleksyon sa salamin. Ngumiti siya. Pinisil ang pisngi. Ngumuso. Nagpeace sign. Nagheart sign. Aakalain mong isang childstar model.
“Baliw!” tawa ni Nano at tinulak si Gigi paalis sa harap ng salamin. Imbis na gayahin si Gigi, ginaya niya si Melay na nagsusuklay. Imbis na suklay, kamay niya ang ginamit niya. Humagikgik sila ni Gigi.
“‘Wag niyong asarin ate niyo. Buti nga siya, palaayos sa sarili,” sabi ni Bebe. Inaayos niya ang agahan ng mga anak sa hapagkainan. Itlog at kanin, sinamahan ng mainit na tsokolate.
“Maganda na naman ako. Hindi na kailangan,” nagflip ng buhok si Gigi, nakangisi.
“Mamaya na ‘yan, Gigi at Nano. Kumain na kayo. Baka malate kayo,” paalala ni Bebe. Nag-unahan si Gigi at Nano sa upuan. Bumelat si Nano nang siya ang mauna. Inirapan siya ni Gigi.
Sabay din silang naligo pagkatapos kumain. Binantayan pa sila ni Bebe dahil baka maaksidente. Bata pa sila. Mas mainam maging maingay. Tinulungan din niya ito sa pagsuot ng kanilang uniporme, pinulbo ang likod, at nilagyan ng bimpo. Bago umalis, tinali din ni Bebe ang buhok ni Gigi. Half pigtails. Mas kyut daw kasi.
Maliit na backpack ang bag ni Gigi. Spongebob ang disenyo. Nainggit pa nga si Nano dahil Barbie ang sa kanya, hindi naman iyon ang hilig niya. Si Patrick Star ang gusto niya. Tuwing ala-singko ng umaga, tawa ni Spongebob at ang malalim na boses ni Patrick ang kanilang kinagigiliwan. Isama na rin ang pagiging masungit ni Squidward at ang pagkagahaman ni Mr. Krabs.
“Bagay talaga sa’yo si Spongebob. Magkamukha kayo,” biro ni Nano paghatid sa kanila ni Bebe sa eskwela. “Ta’s sabi pa ni papa, pareho kayo ng tawa! Ha Ha Ha!” gaya niya sa tawa ni Spongebob.
“Heh! Inggit ka lang kasi Spongebob peyborit mo pero sa’kin binigay!” belat ni Gigi. Kapag ang batang kapatid ang kasama, nawawala ang sinasabi niyang maturity na meron siya.
“Sabi kaya ni papa binili niya yung Barbie sa’kin kasi kamukha ko raw!” sagot ni Nano.
“Kamukha? Sa’n banda? Bangs lang ang pagkapareha niyo!” Tinuro ni Gigi ang bangs ni Nano na halos umabot na sa mata. Hindi niya pa napapagupit sa Mama Bebe nila. Busy pa sa sari-sari store at sa paggawa ng basahan para sa tindahan ng Na’y Sol nila, ang kanilang Lola. “Buhaghag at maikli pa ang buhok mo. Yung buhok ni Barbie, mahaba at straight!” dagdag ni Gigi.
“E’di ikaw na maganda ang buhok!” inis na sabi ni Nano.
“Talaga!” naghairflip ulit si Gigi. Kagaya kay Nano, maiksi rin ang buhok niya. Hanggang balikat. May bangs siyang hanggang kilay. Hindi pantay ang gupit. Siya kasi mismo ang gumawa dahil gusto niyang maging independent woman. “At hindi lang buhok ang maganda sa’kin, ako rin mismo! Maganda at matalino!” pagmamayabang niya.
Madalas marinig ni Gigi na mukha siyang manika. Mistisa at matangos ang ilong. Parang anak ng foreigner. Kinagigiliwan siya ng mga nasa Tambunting dahil doon, pero kwento na lang iyon ng kahapon. Sa hilig niyang subukin ang pasensya ng mga nasa paligid, lalo na ng mga tsismosang kapitbahay, naiinis na sila sa presensya niya. Haters gonna hate.
“Kaya ka crush ni Chokoy, e!” ngisi ni Nano. Kaklase ‘yon ni Nano na na-love at first sight kay Gigi.
“Ew! Ayoko sa bata! Grade 4 palang siya! Ta’s ambantot pa ng pangalan!” Kung may magugustuhan siya, dapat mas matanda sa kanya, mas mature, mas matangkad, mas matipuno, gwapo, at higit sa lahat, maganda ang pangalan. Hindi pasado ang Chokoy Batumbakal. Kapag naging mag-asawa sila, e’di naging Grace Batumbakal?
“Kiko!”
Napalingon si Gigi at Nano. Tumayo ng tuwid si Gigi at sinuklay ang buhok. Sumabit pa konti dahil nabuhol agad ang dulo, kaya hinatak niya para dumaretso. Mahina niyang sinampal ang magkabilang pisngi para mamula ito. Blush on. Bahagya niya ring ipinakita ang bag niyang Spongebob sa direksyon ni Kiko. Paborito kasi ito ng mga lalaki niyang kaklase kaya inaasahan niyang paborito rin ito ni Kiko.
Tumakbo si Kiko patungo sa kay Gigi—sa imahinasyon niya. Hindi naman siya kilala nito. Sino ba naman siya? Wala. Isang simpleng tao lang. Anak ng may-ari ng Bebe’s Sari-Sari Store. Anak ng isa sa mga lasingero sa Tambunting. Ikatlo sa magkakapatid kung saan siya ang pinakamatino.
“Tignan mo yung babae do’n. Ang gulo ng buhok. ‘Di ata nagsusuklay,” sabi ng kasama ni Kiko at nginuso ang direksyon kung saan nakatayo sina Gigi. Liningon ni Gigi si Nano at tinawanan ito.
“Sino? Yung maputi?” si Kiko.
“Ikaw pala, e,” asar ni Nano. Maputi rin naman siya, pero hindi kasing puti ni Gigi na kapansin-pansin.
Yinukom ni Gigi ang kamao. Siya? Magulo ang buhok? Parang hindi nagsusuklay? Kakasuklay niya lang kanina! Gamit ang kamay. Nakatali rin ang buhok niya. “Gumulo ba yung pagkatali nung sinuklay ko?”
Umihip ang malakas na hangin sa eskwela. Humampas ang ilang hibla ng buhok ni Gigi sa mukha niya. Aalalahanin niya ang araw na ito. Mula ngayon, wala na siyang gusto kay Kiko. Hindi rin naman bagay ang apelyido niya sa pangalan niya. Magmumukha siyang asawa ni Juan Kiko. At bilang paghihiganti. . . magsusuklay na siya! Hindi gamit ang kamay!

YOU ARE READING
Bebe's Sari-Sari Store
Historical FictionBatang 1900s Series #1 | "Bili na sa sari-sari store ni Bebe!" Samu't saring pagsusulit sa buhay. Iba-iba ang karanasan. May barayti ang pagharap sa bawat problema, gaya ng mga binebenta sa sari-sari store, mula sa softdrinks, kendi, at sitsirya, ha...
Unang Kabanata
Start from the beginning