"Tara na?" Tumango ako. Pagkarating sa gate ay muli kaming humarap sa isa't isa. "Bye lods,"
"Bye po." Kumaway siya sa akin at dahan-dahang tumalikod. "Happy Birthday po," bati ko pagkatalikod niya. Hindi ko alam kung bakit hinintay ko pang nakatalikod siya bago ko siya binati. Huminto siya sa kinatatayuan niya.
Saglit ko siyang tiningnan bago unti-unting naglakad palayo. Tumalikod na ako sa kaniya at nagpatuloy sa paglalakad.
Mas naging abala ako noong mga sumunod na araw dahil sa prelim. Nakahinga lang ako ng maluwag noong matapos na. Kampante naman ako na maganda ang resulta noon.
"Tutulong tayo sa Arts club na mag-decorate ng campus para sa Foundation Anniversary." Sabi ng Club President namin. "Hinati ko kayo at in-assign sa iba't ibang lugar. Kung may gusto kayong ipabago, or kung may kailangan kayong gawin during those days, pakisabi na sa amin."
Ipinakita sa amin ang mga grupo. Sa open area ako na-assign. Wala pa akong kilala rito sa club kaya paniguradong mag-isa lang akong gagawa.
Ganoon nga ang nangyari pero hindi ako gaanong nabagot dahil sa open area rin pala naka-assign si Alynna. Paminsan-minsan ay lumalapit siya sa akin at kinakausap ako.
"Ay ito ang ganda nito!" Pinakita niya sa akin ang kinuha niyang litrato ko. Hindi ako nakatingin sa camera niya dahil abala ako sa paglalagay ng mga ilaw.
"Ang ganda ng kuha mo," Kahit may mga ilaw malapit sa akin ay ako pa rin ang naging pokus ng larawan. Nginitian niya ako at nagpasalamat.
Lumapit sa amin 'yong kaibigan niya, si Ehro—kaya bumalik na ako sa ginagawa ko at hinayaan silang mag-usap ni Alynna. Mayamaya ay nagpaalam silang pupunta sa ibang lugar.
"Lods," Napalingon ako sa pinanggalingan ng boses. "Ikaw nga!" Nilapitan ako ni kuya Heinz. "Oh," May inabot siya sa aking paper bag. Taka ko iyong tiningnan. "Sorry, hindi kasi kita nahanap last week kaya hindi kita nabigyan no'ng handa ko." Nalipat sa kaniya ang tingin ko. "'Wag kang mag-alala, hindi 'yan panis!" Tumawa siya. "Naubos na ng mga tropa ko 'yong handa kaya bumibili ako ng bago. Buti ngayon nakita na kita," Kinuha ko ang paper bag at tiningnan ang laman noon. Spaghetti iyon. "May kasabay kang mag-lunch?"
"Hindi ko po sigurado," Hindi ko pa natitingnan ang GC namin kaya hindi ko alam kung makakasabay ko ba sila Dahlia. Si Alynna naman ay may lunch meeting daw.
"Sabay na tayo?" Aya ni kuya Heinz.
"Hindi pa po kami tapos dito."
"Hintayin kita," Umupo siya sa malapit na bench.
Pinagpatuloy ko ang paggawa. Paminsan-minsa'y sinusulyapan ko siya para alamin kung ano ang ginagawa niya. Nakatingin lang siya sa akin, sa ginagawa ko, o sa paligid. Nilalaro niya rin ang kung ano mang makita niya. Nilalaro niya ngayon ang dahon na nalaglag sa tabi ng paa niya.
"Puwede na kayong mag-lunch, ha!" Tumayo si kuya Heinz nang marinig iyon. May nasimulan na akong isang gawain kaya napagdesisyunan kong tapusin na.
"Mamaya mo na tapusin 'yan, lods. 'Di ka pa ba gutom?" Nararamdaman ko na ang pagkulo ng tiyan ko kanina pa. Pero nasimulan ko na kasi, tatapusin ko lang ito at kakain na ako.
"Mauna ka na po."
"Malilipasan ka ng gutom niyan," Hindi ko na siya pinansin at ipinagpatuloy ang ginagawa ko. Ang akala ko ay aalis na siya kaya nagulat ako nang kuhain niya ang hawak ko at siya na ang tumuloy noon. Inabot ko na lang ang mga gamit na kailangan niya. "Ayan, tara na," Ngumiti siya at nauna nang maglakad. Sumunod ako sa kaniya.
Habang naglalakad ay tinitingnan ko ang GC namin kung nag-chat ba sila Dahlia. Nanlibre raw 'yong President nila kaya roon na raw siya kakain. Si Beatriz naman ay hindi pa nagsasabi.

BINABASA MO ANG
Between the Lines: Unfinished
RomanceElysian Series #2 Colleen Reyes, an ambitious Education student, and Heinz Elario, a free-spirited aspiring Dentist, find themselves drawn to each other despite their contrasting personalities. Their shared dreams for the future are threatened by th...