"HOY, Kendra, hindi ka pa ba babangon diyan? Aba kanina pa tawag ng tawag ang tita Tina mo. Hinahanap na tayo. Anniversary party nila mamaya hindi ba? Alam mo namang sanay ang mga iyon na nagpupunta ka ng mas maaga kaysa sa oras ng party. Magtatampo sa iyo ang mga iyon kapag di pa tayo magpupunta ngayon. Kendra," malakas na kausap sa kaniya ng mommy niya. Marahas pa nitong hinatak ang kumot na nakatalukbong sa kaniya.
Napaungol siya at isinubsob ang mukha sa unan. Ayaw niyang makita nitong namamaga ang mga mata niya. Siguradong mag-u-usyoso ito. Naipagpasalamat na nga niya na tulog na ang mga ito kagabi kaya hindi nito nakita ang pag-iyak niya. "Masama ang pakiramdam ko mommy," ungol niya.
Tumigil naman ito sa paghatak sa kaniya. Akala niya ay lalabas na ito ng silid niya ngunit sa halip ay nagsalita ito. "Sasama talaga ang pakiramdam mo kung magdamag kang iiyak."
Napadilat siya ngunit hindi bumangon. Kung ganoon ay alam pala nito. Narinig niyang bumuntong hininga ito. Pagkatapos ay lumundo ang kama niya nang marahil ay umupo ito roon. "Nag ayaw ba kayo ni Darren kagabi?" maingat na tanong nito. Muli ay ikinagulat niyang pati iyon ay alam nito. "Tumawag siya kaninang alas sais ng umaga para itanong kung nakauwi ka ba daw ng maayos kagabi. Hindi ka na raw kasi niya naihatid," paliwanag nito na para bang nabasa ang tanong sa isip niya.
Napaismid siya sa sinabing iyon ni Darren. "Talagang hindi niya ako maihahatid dahil hindi ako papayag," mapait na sikmat niya.
"Kung ganoon nag-away nga kayo. Sinasabi ko na nga ba. Umiiyak kang umuwi kagabi at aligaga naman ang boses niya kaninang tumawag siya. Ngayon lang kayo nagkaganiyan ah. Ano bang pinag-awayan ninyo?"
Hindi na siya nakatiis. Marahas na siyang bumangon at humarap sa mommy niya. "Kasalanan niya," sikmat niya. Pagkatapos ay mabilis niyang sinabi rito ang mga nangyari. Nakinig lang ang mommy niya sa kaniya. Nang matapos siyang magsalita ay muli lang itong bumuntong hininga at tumayo.
"Ayusin ninyo iyan pwede ba? Ang sarap niyong pag-untuging dalawa. Magbihis ka na at kanina pa tayo hinihintay ng tita Tina mo," utos nito. Sa tagal kasi ng panahong magkakilala sila ni Darren ay naging malapit din ang mga magulang nila sa isa't isa.
"I don't want to see him mommy," matigas na tanggi niya.
"Hindi mo siya makikita dahil wala siya. Ang sabi ng nanay niya umalis daw kaninang umaga dahil tinawagan ng boss niya. Nagrereklamo nga siya at nakaleave daw si Darren pero umalis pa rin. Kaya malamang mamayang gabi pa ang dating 'non. E di umalis ka na bago siya dumating kung ayaw mo siya makita. Basta magpakita ka sa tita at tito mo dahil wala silang kinalaman sa ayaw ninyong dalawa." Iyon lang at iniwan na siya nito sa silid niya.
Saglit siyang nanatiling nakaupo sa kama bago napabuga ng hanging bumangon. Tama ito. Walang kinalaman ang mga magulang ni Darren sa nangyayari sa kanila ng binata. Isa pa ay wala naman pala ito sa bahay ng mga ito at nasa opisina. Napahinto siya nang may biglang maalala. Nasa opisina rin nito si Divina. Bigla ay tila huminto sa pagtibok ang puso niya nang may mapagtanto siya. May nobya nga pala si Darren. Dahil sa biglang pagsulpot ni Jolo ay nawala iyon sa isip niya. May girlfriend ito pero hinalikan siya nito. Dumoble tuloy ang sama ng loob niya kay Darren.
"PAG-ISIPAN mong mabuti ang tungkol sa bagay na ito Mr. Leviste. This is a good opportunity for you. Bihira magkaroon ng vacant position sa main office. At lalong bihirang isa sa mga taga rito ang nais nilang kunin to fill the position. Think about it, and please think fast," kausap kay Darren ng boss niya.
Napahugot siya ng malalim na paghinga bago marahang tumango. "I will think about it very carefully sir," tanging naisagot niya. Pinatawag siya nito sa kabila ng katotohanang on leave siya sa araw na iyon dahil doon. Ang totoo ay kinausap na siya nito ilang linggo na ang nakararaan tungkol doon at tinanggihan niya iyon kaya akala niya ay tapos na ang usapan tungkol doon. Ngunit hayun nga at kinausap na naman siya nito tungkol doon.

BINABASA MO ANG
SINGLE LADIES' BUFFET series
Romancecover photo (credits to the rightful owner) A feel good romance series about how a group of girl friends found the men they were all destined to be with. :) book 2: WHEN MYRA FELL IN LOVE [on going] Wala sa isip ni Myra ang mag-asawa o kahit humanap...