"Nako, bola ka pa diyan, sige na sige na, lalabas na ako, baka dumating na rin 'yong susundo sa 'kin."
Hinatid ako ni Kath sa gate, 'yong painting ko naman e nandoon pa sa loob. Wala kasi akong mapaglalapagan na malinis dito.
Habang naghihintay kami, bigla akong tinawagan ni Merry. Siyempre si Merry 'yon, hindi pwedeng hindi ko siya sasagutin. Baka igu-good luck niya ako dahil alam naman niya kung saan ang punta ko. Isa pa, isa siya sa nakakaalam na matagal ko nang pinapangarap 'to, 'yong makilala naman ng maraming tao ang mga pinta ko.
"Hello love! I miss-"
Hindi ko naituloy ang sasabihin ko nang marinig ko sa kabilang linya na umiiyak si Merry. Rinig na rinig ko ang hikbi niya.
"Love, anong problema? Ayos ka lang ba diyan?" nag-aalala kong tanong sa kanya.
May ilang segundo muna 'yong lumipas bago siya nagsalita.
"Love. . .nadukutan ako, nakuha 'yong pitaka ko sa bag nandon 'yong pambayad ko ng tuition, pano na to, love nandito ako sa Divisoria, hindi ako makauwi, walang tumutulong sa 'kin, love I need you. . ." sunod-sunod niyang sabi.
Iyak siya nang iyak. Ramdam na ramdam ko 'yong takot sa kanya. Sobra akong nag-alala kaya naman hindi na ako nagdalawang isip.
"Teka kuya! Saan ka pupunta? May exhibit kang pupuntahan!" pigil sa 'kin ni Kath.
"Mabilis lang ako! Kailangan ako ni Merry," sagot ko.
"Kuya naman! Hoy!"
Hindi na niya ako napigilan pa. Tumakbo na kaagad ako para puntahan si Chino, bestfriend ko na may motor. Magpapahatid ako sa kanya para mas mabilis. Nang makarating ako sa harapan ng bahay nila, bigla akong napahinto. Saka lang nag-sink in sa utak ko 'yong sinabi ni Kath.
Pucha. Kailangan ko palang mamili.
Sobrang halaga sa 'kin ng exhibit na 'yon. Pangarap ko 'yon, matagal akong nangarap na sana balang araw makilala rin ang mga obra ko, at ito na ang pagkakataon na 'yon. Pero, 'yong isa ko ring pangarap e kailangan ako. Mahal na mahal ko si Merry, sobra. Hindi ko kayang walang gawin habang siya nahihirapan.
Nakakainis, bakit ganito. Bakit kailangan kong mamili sa dalawang pangarap ko.
Hindi ko na nabilang kung ilang minuto akong nakatayo sa harapan ng bahay nila Chino. Hindi ko alam ang gagawin ko. Mayamaya pa, saktong palabas ng bahay si Chino, napatingin siya sa 'kin na parang binabasa niya 'yong mukha ko.
"Oh, brad, okay ka lang?" tanong ni Chino na nagtataka.
Hindi ako okay. Hinding-hindi. Ngayon ko lang nararamdaman 'yong ideya na gaya ng tanong ng mga bata sa kanto na, kapag palubog na ang bangka, sino ang una mong ililigtas.
Pero, kapag naaalala ko kung paanong umiyak si Merry, lalo lang akong nag-aalala.
"Brad, samahan mo naman ako sa Divi, dali na!" sabi ko sa kanya.
Nagulat siya sa sinabi ko. Nang makita ko 'yong susi na nakasabit sa short niya, pwersahan ko siyang nilapit sa motor niya para hindi na siya makapalag.
"Uy ano ba!" sabi niya.
"Emergency brad, please! Si Merry nadukutan sa Divi." Kita ko 'yong paglaki ng mata niya dahil sa gulat.
"Oo na! 'Wag mo ko tulak baliw 'to!"
Mabilis na bumalik sa loob ng bahay nila si Chino para kunin 'yong dalawang helmet.
Hindi na siya nagtanong-tanong pa. Mabuti na lang talaga at may matino at mabuti akong kaibigan tulad ni Chino. Siya 'yong kaibigan ko na kapag kailangan mo, nandiyan agad siya. At nandiyan siya palagi kahit wala siyang kailangan sa 'yo.
Pinaharurot na ni Chino ang motor niya. Habang nasa byahe kami, panay ang tingin ko sa orasan, alas-tres pa ng hapon ang simula ng exhibit, may isang oras pa ako para puntahan si Merry. Nang makakuha ng tiyempo, tinawagan ko si Merry kahit umaandar kami. Sinabi niya sa 'kin kung saan ko siya matatagpuan. Hindi raw siya aalis doon hangga't wala ako.
Kahit medyo trapik, hindi 'yon naging hadlang. Sumusuot kami sa mga suluk-sulukan para lang makauna sa daan.
Makalipas lang ang ilang minuto, nakarating na rin kami. Binigay ko agad kay Chino ang helmet. Nagpasalamat ako sa kanya bago siya umalis. Ngayon ko lang nalaman na inuutusan pala siya ni Tito na bumili ng baboy sa palengke.
Tumakbo kaagad ako papunta sa kinaroroonan ni Merry. Pagdating ko roon, nakita ko siya sa gilid ng gutter na nakaupo. Hawak niya ang selpon niya at tinatawagan niya ako. Hindi ko sinagot 'yon, sa halip lumapit na ako kaagad. Nang makita niya ako, tumayo siya at tumakbo sa 'kin sabay yakap ng mahigpit. Iyak siya nang iyak. Ramdam ko 'yong bigat ng kalooban niya.
Niyakap ko lang siya. Hindi na namin alintana na may mga tao na palang nakatingin sa amin.
Nang mahimasmasan na nang kaunti si Merry, nagpasya ako na magpunta sa police station na nadaanan namin kanina. Ang sabi kasi ni Merry, isa sa mga tindero ang lumaslas ng bag niya. Dahil 'yong mga 'yon lang naman daw ang nasa likod niya non.
Kinausap si Merry ng pulis, ang daming tanong. Pagkatapos e bumalik kami sa lugar kung saan nadukutan si Merry, may mga sumamang pulis para i-assist kami.
Pagdating namin, inisa-isa ng mga pulis ang mga tindero na nandoon. May isa ring nag-check ng cctv na nakadirektang nakatutok sa mismong kinatatayuan ni Merry nung madukutan siya. Pagbalik ng isang pulis galing sa barangay, nagtaka na lang kami nang anyayahan ng pulis 'yong isang lalaking naka-red. Nagpunta kami sa barangay at pinakita roon sa lalaki 'yong cctv footage kung saan nakita niya 'yong sarili niyang nilalaslas ang bag ni Merry.
Natapos ang eksena na 'yon, nahuli ang lalaki. Pero hindi na naibalik ang pera ni Merry sa hindi masabing dahilan.
Kahit dinala na sa presinto ang lalaki na 'yon, iyak pa rin nang iyak si Merry. Pambayad niya sa school ang nakuha sa kanya. Problema namin ngayon, saan kami makakakuha ng kapalit.
Kinausap na naman ng mga pulis si Merry, ako naman, lumabas ako saglit para bumili ng tubig. Napansin ko na lang na ang dami na palang missed call sa phone ko. 13 missed call mula kay Kath, 7 missed call mula sa professor namin na nasa mismong event na pala, at isang missed call mula kay Papa. Pagtingin ko sa relo ko, 4:24 pm na.
Nang basahin ko ang text ng professor ko one hour ago, doon ako nanghinayang.
"Hey Lerick? Where are you now? Nagsisimula na ang event, ikaw na lang ang wala! Ano ba 'to? Bakit ngayon ka pa nawala? Hindi ba mahalaga sa 'yo ang araw na 'to? This is your dream! Your dream! Bakit wala ka?! Sana kung magba-backout ka man lang, sana nagsabi ka nang mas maaga! Para naman napalitan ka namin, iniwan mo sa ere ang school natin, Lerick! Hindi ko alam kung anong problema mo pero sana maisip mo na hindi lahat ng ganitong opportunity ay dumadating lang nang basta-basta."
Wala na ako nagawa non kundi ngumiti na lang nang pilit. Hindi na ako sumipot at mas pinili ko na lang samahan si Merry hanggang sa maging okay siya.
Humingi ako ng paumanhin sa pamunuan ng univ namin. Sobrang dismayado sila sa 'kin.
May choice ako non na humabol, kahit sana last 30 minutes ng event e makarating ako. Pero hindi ko na ginawa. Ayoko kasing maramdaman ni Merry na siya ang dahilan kung bakit may pangarap na nawala. Gusto ko lang iparamdam sa kanya na nandito ako sa isang pangarap na ayaw na ayaw ko ring sayangin. At siya 'yon.
Lumipas ang mga araw non, saka lang naalala ni Merry na may exhibit pala akong pupuntahan non. At dahil ayaw kong makonsensya siya, nag-imbento na lang ako ng dahilan. Sinabi kong 3 days before the event, nag-backout na ako dahil wala naman doon si Melissa Red, pero ang totoo, nandoon naman talaga.
Nagpatuloy sa pagkwento si Kath tungkol doon sa prof niya na gusto akong makausap.
Hindi ko alam. Magmula kasi nong nangyaring 'yon, parang nawalan ako ng gana magpinta. Hindi na rin kasi talaga ako nagkaroon ng pagkakataon na makaharap 'yong iniidolo ko. Basta, unti-unting nawalan ako ng gana. At isa pa sa naging dahilan kung bakit naiwan ko ang pagpipinta, ay 'yong hindi inaasahang nangyari kay Papa.

Chapter 7
Magsimula sa umpisa