Lodge 10
Transferee
Sumingit ako sa mga rumaragasang estudyante sa pasilyo sa unang palapag para makita ng malapitan ang bulletin board.
“Paraanin niyo ako, kanina pa kayo dito ah. Hindi niyo pa rin ba nakikita ang mga pangalan niyo?” inis na tanong ko.
“Teka lang naman Leanna," sagot ni MC, ang sekretarya ng aming klase.
Mabuti na lang din at isa-isa ang pagpapaskil dito, kumbaga by section ang pag-lalabas ng resulta. Ngunit kahit ganoon ay nagkakagulo pa rin.
“Nasaan ba si Zenny?” tanong ko.
Nakatanaw sa langit habang sumusubo ng pagkain si Zenny. Nilapitan ko ito matapos nilang ituro kung nasaan. Tanging ito lang ang problema sa pagiging presidente niya. Wala siyang pakealam kung nagkakagulo na dahil ayon sa kanya ay sa iba nakaatas ang gawain na iyon. Kung minsan nga ay siya pa mismo ang pasimuno ng mga kalokohan.
“Zenayda ano ba? Kumilos ka nga," sigaw ko sabay higit sa kanyang kaliwang braso.
Nagmamaktol man ay wala na siyang nagawa pa. Malapit ng matapos ang lunch break namin pero hindi pa ako kumakain. Hindi ko naman mahagilap si Mora, iniwan niya ako rito kanina at hindi man lang nagpaalam
Naglalakad patungong cafeteria ng may madunggol ang aking balikat. Nakita ko ang isang babae na nakaluhod sa damo sa dakong kaliwa ko. Hinawakan ko ang siko niya para maalalayan siya sa pagtayo. May kaunting gas-gas ang dalawang tuhod niya, marahil ay tumusok ang mga maliliit na bato roon.
“Pasensya na hindi ko sinasadya," saad ko.
Hindi ko makita ng maayos ang mukha niya dahil natatabunan ito ng itim at mahaba niyang buhok. Dinukot ko ang panyo sa aking bulsa tapos lumuhod sa harap niya upang punasan ang dugo na lumalabas doon. Sinisilip ko ang mukha niya habang ginagawa iyon ngunit masyado siyang mailap.
“Pasensya na talaga hindi kita napansin kanina. Mabuti pa siguro pumunta ka ng klinika para hindi ito maimpeksyon, halika sasamahan kita.”
Nagulat ako ng ilayo niya ang kanyang braso ng akma ko itong hahawakan. Hala galit ba siya? Hindi ko naman talaga sinasadya iyon. Hahawakan ko sana siyang muli nang marinig ko ang boses ni Mora.
“Franzesca what's the matter?”
Hindi ko pinansin si Mora ng maramdaman ang pag-alis ng babae. Hinabol ko ito ngunit kamalas-malasang pagtapat ko sa himnasyo ay naglabasan ang mga estudyante. Hindi agad ako nakasingit pero natanaw ko naman ang babae na lumiko sa kaliwang pasilyo. Kaagad kong tinakbo ang parte kung saan lumiko ang babae ng makalampas ako. Palikuran ng lalake ang unang kwarto na bumungad sa akin pag-akyat ko sa ikalawang palapag. Pinasok ko iyon at hindi na inalintana kung mapapahiya man. Walang cubicle sa loob sa panglalake kaya nanatili ako sa tapat ng pinto nakatanaw mabuti na lang at walang tao. Ganoon din sa pangbabae ang kaibahan lang ay mas nagtagal ako doon dahil tiningnan ko pa isa-isa ang mga cubicle.
Bawat kwartong maraanan ay sinisilip ko. Narating ang kahuli-hulihang kwarto ngunit wala akong napala. Nahihiya naman akong pasukin ng tuluyan ang bawat kwarto kaya napagpasyahan ko na hayaan na lang muna siya at sa ibang araw na lang hanapin. Pero imposibleng hindi ako mahirapan kung palalampasin ko ang araw na ito. Lalo na ngayong rumehistro sa akin na sekondarya pala ang napuntahan ko. Hindi ko alam kung magkakaroon ako ng bakanteng oras para bumalik dito.
Kinakain masyado ng pag-aaral ang oras ko. Nito ngang nagsisimula pa lang ang pasukan ay tambak na agad ang gawain, ano pa kaya ngayong finals diba?! Nabawasan din ang oras ko sa pakikipag-usap kay Ona maging ang pagkain at pagtulog ng tama ay hindi ko na nagagawa. Gusto ko na talagang matapos ito dahil nalalapit na naman ang buwan ng Mayo at hindi na talaga ako makapaghintay.
