抖阴社区

Chapter 51

898 39 8
                                    

Sweat

Kinabukasan, maaga akong nakauwi sa bahay. Tulog pa ang lahat nang umalis ako—siguro bandang alas-kuwatro iyon ng madaling araw. Sinabihan ko na si Alli kagabi bago ako natulog para hindi siya magtaka kung bakit wala ako pag gising nila. Nauna na rin akong matulog sa kanila dahil alam kong mapupuyat pa sila sa inuman. Hindi ko na kinayang hintayin pa sila—sobrang antok ko na rin.

Kailangan ko rin kasing samahan si Mama mamalengke sa kabilang bayan. Aagahan namin para maabutan pa ang murang paninda bago magkaubusan. Kaya maaga rin kaming nakaalis. Pasikat na ang araw nang makauwi kami ni Mama, bitbit ang mga pinamili.

Ako na ang nagluto ng almusal namin habang si Mama naman ay abala na sa pag-aalaga ng mga halaman at gulay sa labas. Palagi na iyang ganyan tuwing nandito ako. Alam kong iyon ang nagpaparelax sa kaniya kaya sinisigurado kong ako na ang gumagawa ng iba pang gawaing bahay tuwing weekend.

Tapos na akong magsaing, hinihintay ko na lang lumambot ang karne nang mapalingon ako sa sala. Naroon si Papa, mahimbing ang tulog at malakas ang hilik. Napako ang tingin ko sa maliit na mesa sa tabi niya—may ilang bote ng alak at upos ng sigarilyo na nakakalat. May kung anong kumirot sa aking dibdib dahil sa sa nakita.

Mabilis akong naging abala sa kusina para tapusin ang niluluto, tapos ay dumiretso sa sala. Nilinis ko ang kalat na iniwan niya. Paglapit ko, sumingaw agad ang matapang na amoy ng alak at yosi mula sa katawan niya. Lumuhod ako sa sahig para pulutin ang mga bote.

Napalalim ang buntong-hininga ko nang mapagmasdan ko siyang mabuti—malapit, tahimik, at tila napakalayo.

Ramdam ko ang bigat na unti-unting umakyat sa dibdib ko, kasabay ng init na namuo sa gilid ng mga mata ko.

"Pa..." bulong ko pilit na wag bumigay ang boses. "Bumalik ka na sa'min."

Hindi ko napigilan ang pait na gumapang sa loob ko. Parang ang hirap-hirap niyang maabot, kahit ilang pulgada lang ang layo namin sa isa't isa.

Hindi ko siya kayang sukuan. Hindi ko magawang bitawan 'yung taong unang nagturo sa'kin kung paano tumawa, paano mag magic, kung paano maglaro, kung paano mangarap. Kilala ko siya—hindi siya ang lalaking nilamon ng alak at paninigarilyo.

Akala ko noon ay okay na ang lahat. Akala ko, tuloy-tuloy ang ginhawa sa aming pamilya gawa nga naging maganda ang takbo ng trabaho ni Papa. Pero nang mawalan siya ng trabaho, parang may nawala na malaking bahagi sa kaniya. Parang pinutulan siya ng pakpak. Hindi niya alam kung saan tutungo, kung paano lumipad muli. At mula noon, unti-unti siyang bumigay. Ang hirap talaga siguro kung isang araw ipinagkait sa'yo ang isang bagay kung saan mo binuhos ang lahat ng iyong oras at buhay.

Lahat ng kamag-anak namin ay pinagsasabihan kaming iwan na si Papa. Pero hindi kami nakinig. Hindi nila kilala si Papa.

Wala nang ibang may alam kung gaano siya kabibo at mapagmahal noon—ako lang, si mama at si ate. Kami lang ang nakakakita sa kaniya kahit palaging lasing. Ako lang ang may baon na alaala ng Papa ko na laging nagtatawanan kami habang hinahabol namin ang isa't isa sa sala. Yung papa kong sinasakay ako sa balikat habang nakangiti si Mama. Hindi siya ito ngayon, pero hindi rin siya nawawala.

Maaaring tanga kung tawagin nila kami dahil pinili wag namin siyang iwan, pero kung dadating man ang panahon na bumalik ang dating siya, alam kong magiging sulit ang lahat.

Kahit ilang pasa pa ang ibigay niya sa akin, kahit ilang beses pa niya akong matulak palayo, pipikit ako't kakapit pa rin. Dahil para sa akin, ang pamilya ay hindi basta sinusukuan. Isa itong pangako. Isa itong tahanan na kahit magiba pa, pipilitin kong tayuan muli.

Pamilya ang pinakamahalagang meron ako. At kahit anong mangyari, mananatili akong naniniwala na babalik ang Papa ko—hindi sa kung anong estado niya ngayon, kundi sa kung sino talaga siya. Yung bibo, makulit at palatawa.

Hands IntertwinedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon