Jamie's POV
Hindi ba ako nagpagpag?
Isa lang ito sa isang libong katanungan na lumabas sa aking isipan habang umaatras papalayo mula sa multo. Napahinto ako nang magparinig ang magaspang nitong boses. May sinabi siya, mga salitang hindi ko maintindihan kaya napakunot ako ng noo.
"Ha?" tanong ko. Ano raw?
"Hemi... theos..."
Hemitheos?
Umiling-iling pa ako, para ipahiwatig na narinig ko lang ang sinabi niya pero hindi ko pa rin ito maintindihan. Pilit siyang nagsalita, halatang gustong paintindihin ako sa banta niya, at habang nagbibigkas siya ng parang mga sumpa, nanatili akong nakatitig sa kanya pero 'yong atensyon ko ay nasa aming kapaligiran, naghahanap ng mga bagay na pwede kong gamitin panlaban sa kanya.
Umatras ako hanggang sa madama ko ang dulo ng mesa sa aking likod. Ililipat ko na sana ang aking paningin sa direksyon ng mga kutsilyo namin nang magsalita na naman 'yong multo, pero ngayon, naiintindihan ko na siya.
"Hindi ko aakalaing makakakain ako ng isang buo..." Galak na galak na lumiwanag ang kanyang mukha. "At buhay pa..."
Lubos ko itong ipinagtaka. "Teka," sambit ko. "Kailan pa kumakain ng mga tao 'yong multo-" Sandali akong napatigil. "Z-Zombie?!"
Ito na 'yon?! Simula na ng zombie apocalypse?!
Kumapa-kapa ang aking kamay sa mesa sa likod ko, naghahanap ng pwedeng mahawakan at magamit bilang sandata.
Isang baso.
"Putang-" Malakas ko itong hinagis sa zombie. Sa mga sandaling nakatuon ang atensyon niya rito, umikot ako at mabilis na kinuha ang dustpan na nakasandal sa mesa at itinutok ito sa kanya.
Nagawang iwasan ng nilalang 'yong basong ibinato ko, pero hindi niya naiwasang mapatitig sa dustpan na nasa kamay ko, halatang nagtataka kung bakit ito ang napili kong panlaban sa kanya.
Eh, ito lang 'yong pinakamalapit sa'kin, eh! At saka nasa Pilipinas kami! Wala sa Korea o US! Syempre bano 'yong mapupulot kong sandata!
Pabalik-balik ang aking tingin sa dulo ng dustpan at sa kalaban.
Di bale! At least mamamatay akong nanlaban!
Bigla siyang kumaripas ng takbo patungo sa'kin. Napatili ako at ihahampas na sana ang dustpan sa kanya kung hindi niya lang ako naunahan. Sobrang bilis ng paghawak niya, at sobrang lakas din niya kaya madali niyang natanggal ang dustpan mula sa aking mga kamay at itinapon ito sa malayo.
Pumihit ang aking ulo upang iwasan ang mga kuko niyang nagawang gasgasan ang aking pisngi. Kasunod na pumalipot ang isa pa niyang kamay sa leeg ko, at tuluyan na nga akong nanakawan ng hangin nang ihampas niya ako pahilata sa mesa.
Nabulag ako saglit sa biglaang pagkauntog ng aking ulo at namilipit ang aking buong katawan sa sakit. Hinawakan ko ang kamay niyang sumasakal sa'kin. Ibinaon ko rito ang aking mga kuko dahilan para mas lalo pa niyang higpitan ang pag-ipit sa aking mga ugat sa leeg.
Kusang bumukas ang aking bibig upang magpakawala ng nagdurusang ungol at sa likod ng namumuong luha sa aking mga mata, nakita ko kung paano inangat ng nilalang ang kanyang kabilang kamay. Humaba ang mga kuko niyang handang sumaksak sa aking dibdib.
Bumitaw ako sa kanya at muling naghanap ng mahahawakan sa mesa.
Pabagsak ang kanyang palad sa aking dibdib nang salubungin ko ng tinidor ang kanyang pulsuhan. Bumaon ito sa balat niya at idiniin ko pa ito hanggang tumagos. Dahil dito nabitawan niya ako at habang umiiyak siya sa sakit, gumulong ako sa mesa at sa huli'y pataob na nahulog sa sahig.

BINABASA MO ANG
The Last Elysian Oracle (Soon to be Published under PSICOM)
Fantasy◤ SEMIDEUS SAGA #02 ◢ Elysian Oracle - the oracle of Elysium, the highest oracle of the realms. The Alphas know it isn't over. The Gods are constantly up on their sleeves, giving them missions, perhaps proving the Alphas' loyalty to their deiti...