Cesia's POV
"Kung pwede lang sana, dito nalang ako manirahan..." sabi ko sa mga bulaklak na pinitas ko kaninang umaga at ngayo'y maingat nang nakalagay sa flower vase. "Ang ganda naman kasi dito..."
Napalibutan ng malalawak na hardin ang Arcadia, at ang bawat bahay at gusali rito ay hugis-templo na gawa sa maputi at makintab na marmol. Sa pagkakaalam ko, hindi rin umuulan dito. Laging maaliwalas, maliban na lang kung may bumibisitang may kakayahang magpaulan, gaya ni Trev.
"Mas maganda dito kapag walang masusungit," bulong ko sa sarili matapos kong maalalang sandaling nagdilim ang Arcadia dahil sa galit ni Trev. Ewan ko ba kung anong kinainisan niya kanina. Nakalimutan ko na, sa dami ba naman ng mga bagay na posibleng makakagalit sa kanya.
"Ria!" Umalingawngaw ang aking boses sa malawak na kwarto.
Apat na kwarto ang inihanda ni Ariethrusa para sa'ming Alphas, at si Ria ang roommate ko. Simula nang makarating kami rito, napansin kong sa CR na siya laging nagtatambay, ma-umaga, hapon, pati na sa gabi. Pero hindi ko siya masisisi, sobrang ganda kasi ng CR nila. May dalawang bathtubs, isang malaking jacuzzi, at sauna. May pader din na gawa sa salamin, kaya pwede kang mag-sightseeing sa tanawin ng Arcadia habang naliligo.
Syempre, bago kami maghubad at lahat, tinignan muna namin kung may makakakita ba sa'min, at nalamang normal na pader lang pala na gawa sa marmol ang itsura ng salamin kapag tiningnan mula sa labas.
Di kaya nakatulog 'yon? tanong ko sa sarili nang wala akong natamong sagot mula kay Ria. Magdadalawang oras na kasi siyang naliligo mula nang magising kami.
Tumayo ako at dumako sa pinto ng CR.
"Ria?" sambit ko sabay lapat ng aking tenga rito.
Ilang sandali pa'y kumatok ako, at dahil wala pa rin akong naririnig mula sa loob, napagdesisyunan ko nang pumasok.
Napangiti ako nang madatnan si Ria na nakababad ang katawan sa bathtub. Pinalibutan siya ng mga bula na kakaiba ang kulay—matingkad na orange. Nakasuot din siya ng face mask habang nakapikit, at bahagyang nakaawang ang kanyang bibig.
Nabahiran ng alala ang aking ngiti nang makita ko sa gilid ng tub ang umaapaw na tubig.
Nakalimutan niyang patayin 'yong gripo, kaya ako na ang gumawa nito.
"Ria?"
Saglit na kumunot ang kanyang noo bago siya lumingon pataliwas sa'kin. Naintindihan ko ito bilang senyas na ayaw niyang magpaistorbo.
Napangiti ulit ako at lumipat sa bakanteng bathtub. Binuksan ko ang gripo nito, at sa tabi, nakahanda sa isang maliit na mesa ang ilang gamit pangligo—sabon... shampoo... hair mask...
"Hmm..." Nakanguso ako habang namimili ng gagamitin.
Sa huli, nagpatak ako ng 'Lavender Essence' sa tubig at agad namangha nang magsimulang mamuo ang napakaraming bula. Unti-unti rin itong nagkakulay—lavender, isang malambot na purple na may kaunting blue.
Nilingon ko si Ria at nang mapagtantong tulog pa rin siya, dali-dali akong naghubad at humahagikgik na pumasok sa bathtub.
"Wah..." Para akong bata na manghang-mangha sa konsepto ng mga bula.
Nakangiti ko itong pinaglaruan—bumuo ako ng mga tower na hinipan ko rin para sirain. Natawa ako nang mahina habang inuulit-ulit ang ginagawa ko, at nagpigil ng halakhak nang damputin ko ang isang kumpol ng bula at ipinatong ito sa aking ulo.
"Citrus and lavender smell good together, don't they?"
Mabilis akong lumingon kay Ria na hindi ko namalayang gising na pala. Nakapatong ang kanyang magkabilang braso sa gilid ng tub habang nakamasid sa'kin, tila naaaliw dahil sa suot niyang ngiti.

BINABASA MO ANG
The Last Elysian Oracle (Soon to be Published under PSICOM)
Fantasy◤ SEMIDEUS SAGA #02 ◢ Elysian Oracle - the oracle of Elysium, the highest oracle of the realms. The Alphas know it isn't over. The Gods are constantly up on their sleeves, giving them missions, perhaps proving the Alphas' loyalty to their deiti...