"HINDI naman niya ako sinundo," pabulong na sabi ni Ladylyn habang palinga-linga sa paligid nang makalabas na siya sa JD Bakeshop. Alas-otso na ng gabi. Iyon ang oras ng out niya.
Alas-kuwatro ng hapon hanggang alas-otso ng gabi ang pasok niya sa trabaho. Four hours. Iyon ang karaniwang oras ng trabaho ng mga working student na tulad niya.
Teka, ano ba ang sinabi niya? Umaasa ba siyang susunduin siya nito? Hay, ano ba ang nangyayari sa kanya? Hindi na niya maintindihan ang nangyayari sa kanya simula kanina nang nagtagpo ang mga landas nila ng lalaking iyon.
"Miss, may hinihintay ka ba?" Nagulat siya nang makilala ang lalaking nagtanong. Si Princeton!
"A-ano'ng g-ginagawa mo r-rito?" Shucks! Bakit siya nagsa-stammer?
"Hindi ba sinabi kong susunduin kita?" Aba, may isang salita ang loko!
"Paano mo nalaman ang oras ng out ko? Hindi naman kita sinagot nang tinanong mo ako, hindi ba?"
"Sa kasamahan mo."
Iyon pala ang pinag-usapan nito at ng co-worker niyang iyon nang nakita niyang nag-uusap ang mga ito kanina.
"So, nandito na ako. Sinusundo na kita. Kaya mo nga ako hinihintay, hindi ba?" dugtong pa nito.
"Ano? Ako, hinihintay kita? Ayos ka rin, ah! Excuse me!" Mukhang ibang usapan na iyon. Pero iyon naman talaga ang totoo, hindi ba Ladylyn? anang isip niya.
"Kunwari ka pa. Narinig kita, eh. Pabulong-bulong ka pa."
Oh, my God! Narinig nga kaya siya nito?
"At ano naman ang narinig mo, aber?" Gusto niyang malaman kung totoo ngang narinig siya nito bago siya mahiya sa sarili niya.
"Sabi mo, 'Hindi naman niya ako sinundo'." That was exactly what she whispered. Walang labis, walang kulang. Ang talas naman ng pandinig nito. Nakakahiya nga talaga! "Correct me if I'm wrong, ha?" sabi pa nito.
"K-kanina ka pa ba d'yan?"
"An hour."
Isang oras? Tama ba ang narinig niya? "Pero bakit? Bakit mo ginagawa 'to? I mean... bakit nga?" Ano ba, bakit ba bakit ka nang bakit, Ladylyn? saway ng isip niya.
"Simple lang. I like you," diretsahang sagot nito. Ano ba iyan? Hindi man lang nagpaliguy-ligoy ito. Pero mas okay iyon. Straight to the point. Hindi nasasayang ang oras.
"H-ha?" Hindi siya makapaniwala.
"Bingi ka ba o nagbibingi-bingihan? I said I like you. Gusto kita. Gusto kitang maging kaibigan."
Gusto raw siya nitong maging kaibigan? Tama ba ang narinig niya?
"Hindi ako nakikipagkaibigan sa mga bastos na katulad mo." Tinalikuran niya ito at humakbang palayo.
Nakailang hakbang pa lamang siya nang harangan siya nito. Seryoso ang anyo nito. So, what? Wala siyang pakialam!
"Ano ba? Paraanin mo nga ako!"
"Kung ayaw mo akong maging kaibigan, pumayag ka na lang na ihatid kita. Saan ka ba umuuwi?" Mukhang seryoso nga ito. Sasabihin ba niya kung saan siya tumutuloy at magpapahatid dito?
Huwag! Kilala mo ba 'yan? Hindi mo alam baka may masamang balak sa 'yo 'yan. Baka holdupper 'yan, kidnapper, rapist o killer, anang isip niya.
Bakit, meron ba'ng ganyang klaseng tao na de-kotse at magara pa? At may ganyang klaseng tao ba na makinis ang balat at may mamahaling kasuotan? sabi naman ng isa pang bahagi ng isip niya.
Malay mo, yumaman dahil big time ang mga biktima niya.
Hindi rin. Nasa sa 'yo 'yan. Ano ba ang nararamdaman ng puso mo, Ladylyn?
Her heart felt she should trust him. He was sincere. Nakikita niya iyon sa mga mata nito. Paano iyan, mukhang nawawala na ang inis niya rito? Ano naman ang problema roon? Hindi ba puwede iyon?
Talagang hindi puwede! Hindi puwede sa kanya iyon. Hindi siya iyon. Hindi niya basta-basta pinapatawad sa loob lang ng isang araw ang mga nakakagawa sa kanya ng mali. Hindi niya gusto ang nararamdaman niya dito.
Inis ako sa kanya. Galit ako sa kanya!
"Kaya kong umuwi nang mag-isa!" hiyaw niya rito.
Hindi na siya hinarangan nito nang pinatabi niya ito at mabilis na humakbang palayo.
MALAPIT lang naman ang boarding house na tinutuluyan ni Ladylyn. Iyon ang boarding house na titnutuluyan niya kapag nag-aaral siya. Kaso sa tuwing babalik siya roon ay sa ibang kuwarto na naman siya. May umuukopa na kasing iba sa mga kuwarto kung saan dati ay isa siya sa mga umuukopa. Siyempre, pinapaukupahan iyon ng mga may-ari sa iba na gustong mag-board doon. Kaya sa tuwing babalik siya roon ay iba na rin ang mga roommates niya.
Puwedeng lakarin ang boarding house mula sa pinagtatrabahuhan niya. Puwede ring lakarin mula roon ang unibersidad na pinapasukan niya. Kaya nga naglalakad lang siya ngayon. Pero naiinis siya sa nagmamaneho ng kotseng sunod nang sunod sa kanya. Ganyan nga, mainis ka sa kanya! anang isip niya.
Hindi ba talaga siya titigilan ni Princeton? May girlfriend na ito, bakit gusto pa siya nitong kaibiganin? Oo nga at gusto lang nitong makipagkaibigan sa kanya. Pero bakit? May binabalak kaya ito sa kanya at kailangang kaibiganin muna siya nito para maisagawa nito ang balak na iyon?
Gusto lang siguro nitong mang-good time. Baka pinaglalaruan lang siya nito. Posible iyon. Mukha pa naman itong playboy. Guwapo ito, matangkad, maganda ang pangangatawan. Imposibleng isa lang ang girlfriend nito. Ah, baka gusto siyang gawin nitong isa pa nitong girlfriend. Maaaring pangalawa siya, pangatlo o mas mataas pa sa numerong iyon. Si Janna kaya, pang-ilang girlfriend nito?
Paano mo naman nasisigurong playboy siya, Ladylyn? Tama na bang basehan ang pagiging guwapo nito at ang malakas nitong appeal? Masamang manghusga ng kapwa. Hindi mo pa siya kilala, anang isip niya.
Oo nga naman. Pero kahit na. Mapapagod lang ito sa kakasunod sa kanya dahil hindi siya sasakay sa kotse nito. Mapapagod lang din ito sa pagkumbinsi sa kanya para pumayag na maging magkaibigan sila dahil hinding-hindi siya papayag. At wala na rin siyang balak na patawarin ito sa ginawa nito sa kanya.
Diyos ko, patawarin po Ninyo ako.

BINABASA MO ANG
Anything To Make You Mine [PUBLISHED under PHR]
Teen FictionThis novel was published by Precious Pages Corporation under Precious Hearts Romances imprint, 30 September 2009. Catchline: "Ang gusto ko, kung saan ka, doon din ako dahil gusto kitang makita palagi at mapalapit sa 'yo. Pasensiya ka na. Sinusunod...