NAGULAT si Ladylyn sa biglang paghalik ni Princeton sa mga labi niya. Nanigas siya sa kinatatayuan niya. Tinulak niya ito sa dibdib dahil tumututol ang isip niya. Pero unti-unting bumibigay ang mabilis na tumitibok niyang puso.
Nanghihina ang mga tuhod niya. Napakapit siya sa T-shirt nito. Dahan-dahang bumaba ang tingin niya sa mga labi nitong abala sa paghalik sa mga labi niya hanggang sa naipikit na niya ang kanyang mga mata. Aminado siya, he was a good kisser. At nasabi niya sa kanyang sarili na masarap ang mga labi nito nang natagpuan niya ang sariling tumutugon sa halik nito.
Iyon ang unang halik na natikman niya sa buong buhay niya. Gosh, hindi siya prepared! Hindi iyon ang pinapangarap niyang first kiss. Hindi niya gusto na isang nakaw na halik ang first kiss niya. At hindi niya gusto ang lugar na pinangyarihan niyon.
Alam kaya nito na iyon ang first kiss niya? Malay ba naman nito. Sana ay nakapag-toothbrush man lang muna siya. Eew! Hindi ba nakakadiri iyon? But atleast, his kiss and his lips taste good.
Hindi lang niya alam kung nagustuhan din nito ang halik at lasa ng labi niya. Siguro, nagustuhan din naman yata nito iyon. Parang ayaw na kasi nitong tigilan ang paghalik sa kanya.
Naimulat niya ang mga mata nang marinig ang palakpakan sa paligid.
Nakangiting pinakawalan ni Princeton ang mga labi niya. Siya naman ay tumingin sa paligid nila. Halos lahat ng boardmates nila ay naroroon. Parang nanonood ang mga ito ng shooting ng isang romantic movie. Nakakahiya!
Seryosong ibinalik niya ang tingin sa lalaki. Nakangiti ito pero biglang napalis iyon nang bigla niyang sampalin ito. Pero nakuha pa rin nitong ngumiti habang sapo ang kaliwang pisngi.
"Bastos! Bastos ka talaga!" sigaw niya rito at saka iniwan ito.
HINAYAAN na lang ni Princeton ang babae. Gusto pa niya sanang sagutin ito at asarin. Alam niyang nahiya ito sa mga nakakita sa ginawa niyang paghalik dito kaya pinigilan niya ang sariling gawin iyon.
Maging siya ay nahiya rin sa mga nakatingin sa kanya. Isa-isa nang bumalik ang mga ito sa ano mang ginagawa ng mga ito kanina. Nginitian lang niya ang mga ito habang paakyat siya sa kanyang kuwarto.
"Mig, masakit ba?" natatawang tanong sa kanya ng isang lalaki pagtungtong niya sa second floor. Ang mig na sinabi nito ay pinaiksing migo na ang ibig sabihin ay kaibigang lalaki. Nakuha niya kaagad na ang pagsampal sa kanya ang tinutukoy nito.
"Medyo," nakangiting sabi niya. Unti-unti nang nawawala ang sakit na nararamdaman niya.
"Si Ladylyn talaga, o," umiiling-iling na sabi nito. "Mig, good luck, ha? Sa guwapo mong 'yan, tiyak na mapapasaiyo siya. Hindi ba, mga 'tol?"
Sumang-ayon naman ang mga lalaking nasa likod at tabi nito. Nagpakilala ito. "Nathan" ang pangalan nito. Sa itsura nito, tantiya niya ay kaedad lang niya ito. Pinakilala rin nito sa kanya ang apat na barkada nito. Sinabi rin niya ang pangalan niya sa mga ito. Pagkatapos ay nagpaalam siya sa mga ito na papasok na siya sa kuwarto niya.
Hinubad niya ang T-shirt niya nang makapasok siya sa room one. Pabagsak na inilapat niya ang likod sa higaan. Napabangon naman siya kaagad nang maramdaman ang sakit. Saka niya napagtanto na hindi kama ang higaan niya. Papag iyon na may manipis na foam.
Maliit lang ang kuwarto pero medyo lumaki itong tingnan dahil pinatanggal niya kaagad sa houseboy ang isang double deck kahapon. Para sa apat na tao ang kuwartong iyon kaya dalawa ang double deck. Binayaran na niya ang isang kuwartong iyon dahil bakante naman iyon.

BINABASA MO ANG
Anything To Make You Mine [PUBLISHED under PHR]
Teen FictionThis novel was published by Precious Pages Corporation under Precious Hearts Romances imprint, 30 September 2009. Catchline: "Ang gusto ko, kung saan ka, doon din ako dahil gusto kitang makita palagi at mapalapit sa 'yo. Pasensiya ka na. Sinusunod...