LAST NIGHT was the most wonderful night that happened in her life. She was indeed very happy. Wala siyang mapagsisidlan ng kaligayahan.
Nakahiga pa rin siya sa tabi ng lalaking mahal niya. Pinagmasdan niya ang mukha nito. Napakaguwapo talaga nito. Mahimbing pa rin itong natutulog kahit tanghali na. Mukhang magaling na ito. Wala na itong lagnat. Nakangiti siya habang hinahaplos ang mukha nito mula sa noo pababa sa mga labi nito.
Mayamaya ay umungol ito. "Ano'ng ginagawa mo, ha?" nakapikit pa rin ang mga matang tanong nito.
"Wala."
"Wala raw." Niyakap siya nito. "Are you happy?" bulong nito kapagkuwan. Nakamulat na ang mga mata nito.
"Sobra."
"Ako rin."
Ikinuwento niya rito ang pakikipag-usap sa kanya ni Janna kahapon. Hindi ito makapaniwala na nagawa iyon ni Janna. Pero natuwa ito sa nalaman. Hindi na nila problema si Janna ngayon.
"Samahan mo ako. Ipakikilala kita sa parents ko bilang girlfriend ko at babaeng pakakasalan ko," anito sa kanya.
Pakakasalan? Hindi niya akalaing babanggitin nito iyon. "Sigurado ako, mas hindi papayag ang daddy mo kapag sinabi mo ang tungkol d'yan. Pero... sasamahan pa rin kita. Ipaglalaban natin ang pag-ibig natin."
He smiled. He lifted his chin and gently kissed her lips. Wala na siyang nagawa kundi ang tugunin ang masarap nitong halik.
SERYOSONG-SERYOSO ang mukha ni Mr. Henry Mondejar. Nilalakasan ni Ladylyn ang loob niya habang kaharap ito ngayon. Hinanda na niya ang sarili niya sa anumang gagawin nito sa kanya. Pero bakit mukhang galit din sa kanya si Mrs. Mondejar? Noong nagkita sila nito sa hospital ay mabait ito sa kanya.
"Dad, 'Ma, kasama ko po si Ladylyn. She's my girlfriend at ang babaeng pakakasalan ko," matapang na pagpapakilala ni Princeton sa kanya. He was holding her hand.
"Ano ba ang nangyayari sa 'yo, Tonton?" anang ina nito. "Nabulag ka na ba talaga ng pag-ibig mo sa babaeng iyan? Kahit na niloko ka niya, mahal mo pa rin siya? Nakita mo ang pinirmahan niyang papel, hindi ba? Hindi pa ba sapat iyon?" Kaya pala galit ito sa kanya. Dahil pala sa pinirmahan niyang kontrata na iyon.
"Because I love her, 'Ma. I love her so much. Ginawa man niya 'yon o hindi, mamahalin ko pa rin siya."
"I can't believe you're doing this." Napahawak ang ginang sa sentido nito.
Nagtataka lang siya. Bakit hanggang sa mga oras na iyon, hindi pa rin nagsasalita si Mr. Mondejar? Pinipigilan lang ba nito ang galit nito? Hindi ganoon ang pagkakakilala niya rito. Nadagdagan tuloy ang kabang nararamdaman niya. Parang sasabog na ang puso niya dahil sa sobrang kaba. Baka mamaya ay bigla na lamang siyang ipagtabuyan nito. Kaladkarin palabas ng bahay nito.
Sabihin kaya niya ang totoo. Na may pinirmahan nga siyang papel pero wala siyang tinanggap na pera mula rito. Pero ayaw niyang mapahiya ang ama ng lalaking mahal niya.
Lord, help me, dalangin niya.
"Lumayas ka rito!" pagtataboy ng ginang sa kanya.
Bigla ay lumuhod siya. Ikinagulat ng lahat ang ginawa niyang iyon. "Mahal na mahal ko po ang anak ninyo. Gawin na po ninyo ang gusto ninyong gawin sa 'kin, tatanggapin ko po. Pero hindi pa rin mababago no'n ang pagmamahal ko sa anak ninyo."

BINABASA MO ANG
Anything To Make You Mine [PUBLISHED under PHR]
Teen FictionThis novel was published by Precious Pages Corporation under Precious Hearts Romances imprint, 30 September 2009. Catchline: "Ang gusto ko, kung saan ka, doon din ako dahil gusto kitang makita palagi at mapalapit sa 'yo. Pasensiya ka na. Sinusunod...