Chapter 6
Ang bilis makarating ng balita ah? Wala pang isang oras, nalaman niya agad.
I let out a deep sigh and headed to the bathroom to take a bath. Kinakalma ko ang isip ko habang naliligo, pero mukhang hindi tumatalab.
Hindi na yata talaga ako makakalaya sa kamay ng tatay ko. Kahit pa pinatapon na niya ako sa lugar kung saan malayo, nakakagawa pa rin siya ng paraan para maabot ako.
I-block ko na lang kaya ang number niya?
Napailing ako sa sarili. Kahit pa gawin ko 'yon, alam ko naman sa sarili ko na kaya pa rin niya akong bulabugin.
Malamang, may taga-sumbong. Ang tatanda na nila pero hindi marunong umakto nang naaayon sa edad. Baka nga mauna pang mag-mature ang isip ko kaysa sa kanila! At least ako, alam kong may pag-asa pa. Si Jaja lang naman ang dahilan kung bakit ganito ako minsan. Pati na rin si Papa.
Paglabas ko ng banyo, naabutan ko si Tita na naghahain sa mesa. Nagpunas ako ng ulo at papasok na sana sa kwarto nang makita niya ako.
"Anak, kain na," aya niya sa akin.
Tumango ako. "Susunod na lang po ako, Tita. Thank you po."
Nahinto siya. "Hindi ka pa ba gutom? Sabayan mo na sana ako at wala ang tito mo, sumama sa pagdeliver sa Bayombong ... Baka bukas na sila makauwi."
I pursed my lips and glanced over the table. Nagluto siya ng bicol express, daing na bangus, at tocino.
Tangina, tocino. Paborito ko 'yon.
Huminga ako at tumango na lang. Paiiralin ko pa ba ang pride ko kung kumakalam na ang sikmura ko?
Lumiwanag ang mukha niya nang lumapit ako sa mesa. Kinuha niya ang tuwalya ko sa akin.
"Ako na po—"
"Ako na, umupo ka na lang," nakangiti niyang sabi. Nanguha siya ng hanger sa likod at sinabit sa labas. Kaya ko namang gawin 'yon.
Habang pabalik siya sa loob, naglagay na lang ako ng kanin at ulam sa plato. Ngiting-ngiti siya nang makabalik at makaupo sa harap ko. Kahit sa pagsasandok niya ng kanin, nakangiti pa rin siya sa akin.
"Kainin mo na lahat ang tocino. Hindi naman ako kumakain niyan..." sabi ni Tita habang kumakain kami. "Paborito mo ata."
Nahihiya akong tumango. Ang dami kong kinuha. Halata bang paborito ko?
"Tikman mo 'tong bicol express." Nilagyan niya ang plato ko. "Hindi 'yan masyadong maanghang kumpara sa mga ibang luto. Hindi kasi ako sigurado kung mahilig ka ba sa mga maanghang na pagkain."
"Ayos lang po sa'kin."
"Talaga? Sa susunod, aayusin ko na. Pupunta ka ba sa bukid bukas? Ano ang gusto mong baunin?"
Lumunok ako. Pinasadahan ko ng tingin ang mga ulam sa mesa. Masyadong marami, dalawa lang naman kami ang kakain.
"Itong bangus at bicol na lang, Tita. Hindi natin mauubos 'to, sayang naman," suhestyon ko.
Bahagya siyang natawa. "Pwede naman ako ulit magluto kung may gusto kang ulam."
Umiling ako. "Okay na po 'yan..."
Pagkatapos naming kumain, ako na ang nagligpit lahat at dinala sa lababo dahil ayaw niyang ako ang maghugas. Nagwalis na rin ako saglit sa buong bahay para kahit paano naman ay mabawasan na ang gagawin niya.
Pagkatapos ay nagpaalam ako sa kaniyang magpapahangin lang sa labas.
"Isasara ko na ang pinto pero hindi ko i-lo-lock. Mag-ingat ka," bilin niya.

BINABASA MO ANG
Memory Lane
Romance[BL STORY] STAND ALONE Suddenly, ghosts weren't the eerie creatures that lurked in the dark. They were the memories that slipped through your fingers, leaving only the cold, jagged edges of what's gone and never coming back. _ a rewritten version of...