Tama nga. Napunta sa 7 ang kamay ng pocket watch.
Nasa harap ako ng computer at nag-fa-Facebook. Friend ko na sina Carlo, AJ, at Jasper. Binisita ko ulit ang profile ni Gelo. Walang ipinagbago, hindi pa rin niya tinatanggal ang cover photo na galing sa akin.
Pero, mas na-bother talaga ako kay Philip.
Hindi ko puwedeng sabihin na imagination lang siya dahil totoong nakita ko siya. Kumaway siya tapos may nakita pa akong kamukha niya. Hindi ko alam kung ano'ng pumasok sa utak ko pero nag-search ako ng Philip sa Facebook.
Ang engot ko lang talaga kasi ang daming lumabas na Philip na hindi naman ang hinahanap ko.
Ano nga ba'ng apelyido ni Philip? Sobrang weird talaga. Napunta siya sa school. Kumaway siya, meaning alam niyang nandoon ako. Nakakita pa ako ng kahawig niya. Letter P din ang simula ng name, nakalimutan ko pa. Pero ang sabi niyon, kapatid niya ang Philip. So, kung magkamukha sila, puwedeng magkapatid nga ang Philip na kilala ko at siya.
Siguro naman, magkikita kami bukas. Bukas ko na lang siya kakausapin.
"I will break these chains that binds me. Happiness will find me . . ."
"Cell phone ko ba 'yon?"
"Leave the past behind me. Today my life begins . . ."
Nagtaka ako kasi hindi naman iyon ang ringtone ng phone ko. Kinuha ko agad ang cell phone ko sa kama at sinagot ang tumatawag.
"Hello?"
"Stella?"
"Pa?"
"Kumain ka na ba?"
Kumain na ba ako? Teka . . . hindi ko maalala. Spaghetti, menudo, cake, lumpia, hotdog, at ice cream. Iyon ang kinain ko.
6. Years. Ago.
"Hindi pa . . . yata."
"Pumunta ka ngayon sa Ministop."
Ministop? Ano'ng gagawin ko roon?
"Yung sa may kanto rito sa bahay?"
"Oo."
Ano kaya'ng meron? Ano'ng oras na ba? 9:03 na pala ng gabi.
"Sige po. Ten minutes."
Matagal na rin noong huling tumawag si Papa. Nakaarang buwan pa noong huling allowance ko. Hindi ko alam kung ano'ng meron at bigla siyang tumawag. May pera pa naman ako at mukhang hindi pa naman siya magpapadala ng pera para sa school. Wala pang kinsenas.
Naglakad na ako papuntang Ministop. Hindi na ako nagpalit ng pantulog. Nag-jacket na lang ako kasi malamig. Hindi kalayuan ang convenience store sa bahay kaya wala pang ilang minuto ay nandoon na ako.
Naabutan ko si Papa'ng nakaupo sa loob. Mukhang galing siya ng trabaho. Ngumiti lang siya nang makita ako. Ngumiti na lang din ako at naupo sa kaharap na upuan niya.
"Alam ba ni Grace na male-late ka ng uwi?" tanong ko kasi alam naming pareho na hahanapin siya ng bago niyang asawa dahil gabi na.
Tumango naman si Papa.
"Kumakain ka ba nang maayos? Ang payat mo na, a. 'Wag mong ikatwiran sa 'king uso 'yan. Pinababayaan mo ang sarili mo." Pinagagalitan na naman niya ako. As if namang may mangyayari kung gagawin niya nga.
"Gabi na, bakit kayo napatawag? At bakit nandito kayo?" tanong ko na lang.
"Bumili ka ng gusto mong kainin. Mukhang hindi ka pa naghahapunan." Iniabot sa akin ni Papa ang buong sanlibo.

BINABASA MO ANG
When It All Starts Again
Teen FictionAnim na taon mula nang magbago ang nakalakhang buhay ni Stella Daprisia, inisip niyang isang malaking pagkakamali na ang lahat ng nangyayari sa kanyang buhay. Mula nang iwan ng mga itinuring na kaibigan, iwan ng sariling ama upang sumama sa ibang ba...