"Isipin mo ang panahon kung kailan mo nais bumalik. Isang panahon, isang pagkataon . . ."
Sa dami ng oras na gusto kong balikan pa, wala akong ibang naisip sa mga sandaling iyon kundi ang oras na nagsisi ako nang sobra.
"Stella?"
Doon lang luminaw sa akin ang lahat.
Nakatitig na ako sa isang puting kabaong sa harapan, amoy na amoy ang bulaklak at iba't ibang pabango sa paligid. Naririnig kong may mga nagsasalita pero sobrang dami nila. Hindi ko mapili kung alin ang dapat pakinggan.
Ang weird na sobrang bigat ng pakiramdam ko ngayon at parang magang-maga ang mukha ko. Nanlalagkit ako. Gawa ng pawis? Gawa ng luha? Hindi ko na alam. Pero alam ko naman ang dahilan.
"Stella, okay ka lang?"
Alanganin akong lumingon doon sa nagtanong. Pagtingin ko sa kaliwa, nakatingin sa akin si Jane. Hawak-hawak pala niya ako sa balikat. Bigla niyang binilisan ang paghagod at saka ako tinapik-tapik.
"Gusto mo ng tubig?" tanong niya na alanganin din akong tumango. Hindi naman para umoo pero para sana sabihing narinig ko siya. Tumayo lang siya tapos sinabi niyang saglit lang daw at kukuha siya.
Doon lang ako tumayo para tingnan silang lahat at ang paligid.
Ang bigat talaga ng pakiramdam ko. Parang sobrang pagod na pagod ako at ang katawan ko. Tipong gusto ko na lang matulog maghapon para mawala ang bigat at pagod.
Nasa funeral chapel pala kami. Noon, hindi ganito karaming tao sa chapel. Ilan lang ang pumunta. Mga kamag-anak lang ni Mama. Kahit nga si Papa, wala rin noon. Nagpakita lang noong burol na. Pero ngayon?
Nandito ang mga classmate ko. Pinanonood ko silang salubungin ang ibang pumupunta. Nahagip ng tingin ko sina Carlo na nag-aabot ng pagkain sa mga nakikiramay. Sina Belle, kinakausap ang ibang bisita. Si Papa, nakita kong kausap ang mga kamag-anak ni Mama.
Nandito sila . . . ang mga taong wala noon para damayan ako.
Naramdaman ko na lang na may tumulong luha sa mata kong biglang lumabas nang walang pasabi. Napasinghot ako at napapunas ng pisngi.
"Stella, o?" Nakabalik na si Jane at inabutan ako ng tubig. Ang hirap lumunok kaya nagpasalamat ako kasi nakainom din ako sa wakas.
"Ba't . . . ba't nandito kayong lahat . . . ?" mahina kong tanong kay Jane. Kahit pagsasalita, hirap na rin kasi paos na ako. "Hindi ba kayo busy?"
Matipid na ngumiti si Jane sa akin. Niyakap lang din niya ako at hinagod na naman ang likod ko. "Okay lang, Ste."
Inilapag ko sa inupuan ko ang tubig at saka sila nilapitan. Napansin kong nagulat silang papalapit ako.
"Stella!"
"Uy, Ste!"
"Ste, kumusta? Ano'ng pakiramdam mo?"
Nagsilapitan sila sa akin. Parang alaalang-alala sila.
"My loves, kaya mo na? Okay ka na?" Si Carlo, niyakap agad ako nang mahigpit habang hinahagod ako sa likod. "Dapat si Gelo yung nandito e," sabi pa niya. "Pakilabas nga yung private jet ko. Sunduin natin 'yon sa Italy."
"'Raulo ka talaga, Caloy," puna pa ni Jasper at hinampas nang mahina si Carlo sa balikat.
"My loves, pahinga ka naman. Dalawang araw ka nang walang tulog," sabi ni Carlo at hinagod-hagod na ang buhok ko pagkabitiw niya sa yakap. "Gusto mong samahan kita? Tabi tayo matulog."
"Palayasin n'yo nga 'to si Carlo!" inis na sinabi ni Belle at hinatak ako para siya naman ang umalo sa akin. "Girl, ano? Ano'ng pakiramdam mo?" Hinawakan niya ako sa pisngi tapos siya na ang nagpunas sa mukha kong basa ng luha. "Pero 'pag di mo pa kayang magsalita, 'wag na muna. Malat na malat ka na e."

BINABASA MO ANG
When It All Starts Again
Teen FictionAnim na taon mula nang magbago ang nakalakhang buhay ni Stella Daprisia, inisip niyang isang malaking pagkakamali na ang lahat ng nangyayari sa kanyang buhay. Mula nang iwan ng mga itinuring na kaibigan, iwan ng sariling ama upang sumama sa ibang ba...