Kabanata V: Ang Ipinagbabawal na Kasunduan
SA kabilang banda naman ay ang pagdating ng isang bisita sa Cloude Feryss na hindi inaasahan ng pinuno.
“Pinunong Zadkiel!” bati ni Angelo saka lumuhod sa harap ni Zadkiel habang may makikita pang kulay asul na usok ngunit unti-unti rin itong nawawala.
Angelo is the trusted messenger in the Cloude Feryss and also a phoenix.
“Tumayo ka. Bakit ka naparito?” malumanay na sagot ni Zadkiel habang nakatalikod kay Angelo.
“Hinahanap ko po si Raziel. Nasaan po siya? Hindi kasi siya pumasok sa klase ni Punong-guro Lou.”
Humarap si Zadkiel kay Angelo bago sumagot. “Nasa lupa siya ngayon.”
Hindi alam ni Angelo kung ano ang sasabihin niya. Ni minsan ay ayaw pumunta ni Raziel sa lupa maliban na lang kung may misyon siya roon.
“Paano—” Napayuko naman si Angelo no’ng naalala niya kung bakit pinapunta si Raziel doon. “Dahil ba sa mga kasalanang nagawa niya? Pero bakit pa niya kailangang pumunta sa lupa kung puwede naman niyang itama ang mga mali sa Cloude Feryss?”
“May misyon siya na kailangan niyang harapin.” Ngumiti nang malungkot si Zadkiel na hindi nakaligtas sa mga mata ni Angelo.
Dahil sa sinabi ni Zadkiel ay malungkot at nagtatakang napayuko si Angelo. “S-Sarili n’yong anak ang isasakripisyo—”
“Angelo, isa siya sa mga pinagpalang piniks at may gawaing nakalaan na kailangan niyang gampanan kagaya mo.”
May mga misyon ang bawat piniks at isa si Raziel sa pinagpala kaya hindi kayang itakwil ni Raziel ang tungkulin niya. “A-Alam ba ng ibang parte ng lupain ang tungkol dito?”
“Hindi. Kaya nga ako ay nangangamba,” seryosong pagtatapat ni Zadkiel. “Pero ito ang nakatadhana sa kaniya. Ito ang nakasulat sa aklat. Ang kapalaran na dapat niyang harapin.”
“A-Ano pong kapalaran iyon?” hindi mapigilang tanong ni Angelo. Alam ba ’yon ni Raziel? Dahil sa itsura pa lang ni Zadkiel ay parang nanganganib ang buhay ng piniks sa lupa.
Ngumiti lang si Zadkiel sa kaniya bago sumagot. “Hindi ko maaaring sabihin.”
“Patawad. Ang dami ko pong tanong,” hingi ng tawad ni Angelo.
“Maaari ba kitang utusan?”
Tumango si Angelo kaya ngumiti si Zadkiel. “Kailangan mo ’tong ibigay kay Raziel ng hindi bumababa sa lupa.” Iniabot ni Zadkiel ang nakatiklop na papel.
“M-Maaari ko bang malaman kung ano ang laman ng sulat?”
Napangiti naman si Zadkiel sa seryosong tanong ni Angelo. “Angelo, hindi iyan sulat kundi listahan ng mga kasalanan ni Raziel. Kailangan niya iyan ngayon.”
Hindi mapigilang tumawa ni Angelo sa narinig. Akala niya kung ano na ang nakalagay sa papel kaya kinabahan siya pero dahil sa narinig niyang sagot mula kay Zadkiel ay naibsan ang kabang namumuo sa puso niya.
“Aalis na po ako. Aasahan ninyong makakarating ito kay Raziel,” paalam ni Angelo saka yumuko at lumipad na.
Sa labas naman ng bahay ng mga Lazarus ay makikita mong tahimik na nakaupo si Raziel sa fountain na nasa harap ng bahay at nag-iisip kung ano ang mga kasalanan niya, gabi na pero ’di pa rin siya dinadalaw ng antok.
“Una, nang kumakain ako sa loob ng klase ni Punong-guro Lou, sunod naman ay iyong pagkuha ko sa alagang kuneho ni Ariel at inihaw ito, hindi ako gumising nang maaga, hindi ako naligo dahil tinatamad ako, naapakan ko ang mga bulaklak na pinakagusto ni ama—” bulalas ni Raziel saka ginulo ang itim niyang buhok dahilan para makita ang iba’t ibang kulay ng hibla na nasa ilalim nito. “Ano pa ba?”

BINABASA MO ANG
Vampire Series 1: Twisted Fate - [MPREG]?
Vampire[Published under Grenierielly Book Publishing!] Isang bampirang nahulog sa isang piniks ng hindi niya namamalayan. Sa unang pagkikita nila ni Sefarino Lazarus na isang bampira ay hindi naging maganda pero habang tumatagal ay nagiging malapit na sila...