ANG SABI ng yumaong tatay ni Charlie, ang kamalasan daw ay parang buhos ng ulan. Kapag pumatak, sunod-sunod. Napatunayan niyang tama ang ama nang araw na iyon. Ngayon pinili ng langit na ibagsak sa kaniya ang lahat ng konsumisyon.
Una, nagising si Charlie na nagtatalak ang kaniyang Nanay Carmi. Naabutan niya ito sa gate nila, hawak ang walis tambo, ikinukumpas iyon sa lalaking nasa labas. Empleyado pala ng Meralco, puputulan na sila ng kuryente. Tatlong buwan na silang hindi nakakapagbayad gayong hindi siya pumapalya na bigyan ang ina ng pambayad doon. Noon niya nalamang hindi nga nito ibinabayad ang ibinibigay niya dahil nagagastos daw nito. 'Tapos ngayon, ito pa ang may ganang mang-away sa tauhan ng Meralco. Hinayaan niya na putulan sila ng kuryente dahil wala rin naman siyang mahuhugot ngayon para bayaran ang tatlong buwang bill nila.
Pangalawang kamalasan: nawawala ang scooter na nagsisilbing service niya sa trabaho. Ginamit daw ni Gio, ang bunso niyang kapatid na nasa highschool, ginawang service sa school. Napilitang mag-commute sa jeep si Charlie. Naglalakad na siya papunta sa building na pinagtatrabahuhan, saka niya nadiskubreng nawawala ang wallet niya. Nadukutan siya sa jeep. Nasa six hundred lang ang laman ng pitaka niya, pero hinayang na hinayang siya dahil naka-budget iyon para sa pagkain at pang-gasolina ng scooter.
Pangatlo: nawalan siya ng trabaho. Sa isang paper manufacturing company siya nagtatrabaho. Kailangan umanong mag-cross cutting ng kompanya dahil pababa na nang pababa ang kita niyon. Isa si Charlie sa tatlumpong empleyadong pinakawalan ng kompanya.
Agad-agad, ibinigay ang huling sahod at separation fee nila. Malaki-laki ang perang natanggap niya pero sa dami ng gastusin nila, parang lang iihipan ng hangin iyon. Dalawa ang estudyanteng sinusuportahan niya--si Gizelle na nasa second year college, Accountancy student at si Gio na Grade 10. Parehong scholar ang mga ito pero tuition lang naman ang sinasagot ng scholarships na kinabibilangan. Siya pa rin ang nagbabayad ng miscellaneous fee at nagbibigay ng allowance araw-araw. At may ten months old pa silang baby. Si Chinky, pamangkin niya na anak ni Gracia, pangalawa niyang kapatid.
Graduate na sana sa kursong Banking and Finance si Gracia kung hindi lang inuna ang landi. Ang masakit pa, hindi pinanagutan si Gracia ng magaling na lalaki. Itinanggi pa ang bata. Hindi na nila tinangkang habulin ang talipandas dahil baka mapatay niya lang. Habang naghihintay si Gracia na lumaki-laki si Chinky, nag-o-online business ito. Balak nitong ituloy ang pag-aaral at mag-abroad. Hindi rin naman ganoon kalaki ang kita sa on-line business lalo't ang taas na ng kompetensiya sa ganoong negosyo ngayon. Halos lahat ng kilala ni Charlie, may on-line business. Madalas, siya pa rin ang bumibili ng gatas at diaper ni Chinky.
Hindi siya nagrereklamo. Nangako siya noon sa ultra sound picture ni Chinky na hindi niya ito pababayaan ano't anuman ang mangyari. At kahit naiinis siya sa nanay niya ngayon dahil nga sa nangyari sa kuryente nila, pumunta pa rin siya sa Meralco office para ipakabit ang kuryente nila. Hindi niya matiis na tumira sa madilim na bahay si Chinky.
"Ayan, ibabalik na ang kuryente natin. Mula ngayon, kay Gracia ko na ibibigay ang pambayad sa kuryente," bungad ni Charlie pagpasok sa salas nila. Naroon ang buong pamilya niya, may hawak na kani-kaniyang improvised pamaypay. Nakita niyang umingos ang kaniyang ina. Pinaningkitan niya ng mata si Gio. "At ikaw, sa susunod, magpaalam ka kapag hihiramin mo ang scooter. Gunggong na 'to. Paano mo nakuha ang susi ko?"
"Magic," nakangising sagot nito.
"Ungas!" Dinampot niya ang bote ng deodorant na isa sa ibinebenta ni Gracia at ibinato kay Gio. Pasalampak siyang umupo sa lumang couch nila't ipinatong ang mga paa sa mesitang kawayan. Bumaling ang atensiyon niya kay Gizelle na nakaupo sa harap niya. "At ikaw? Wala ka bang pasok ngayon?"
"M-Meron. Tinanghali kasi ako ng gising," bantulot nitong sagot. Kumunot ang noo niya dahil sa ikinikilos nito. Medyo nakatungo ito, halos hindi siya matingnan nang tuwid. Sa kanilang magkakapatid, si Gizelle ang pinakamakulit, maingay at hyper. Nauubusan lang ito ng energy kapag may sakit. "May sakit ka ba?" Saka niya rin lang napansin ang pamumutla nito.

BINABASA MO ANG
My Bride, My Enemy: CHARLIE (SOON TO BE PUBLISHED UNDER SWEETHEARTS ROMANCES)
RomanceHe dislikes her, she dislikes him even more. He needed a bride, she needed his money. Kaya ba nilang isantabi ang inis sa isa't isa para punan ang kani-kanilang pangangailangan?