NAABUTAN ni Charlie si Timothy sa entrance ng white beach, pinagdidiskitahan ang walang kamuwang-muwang na puno ng saging. Nakatanim iyon sa tabi ng posteng aandap-andap na ang ilaw.
Kung may bibig ang puno, malamang na nagsisigaw na iyon habang inuundayan ni Timothy ng suntok. Nagsisigaw rin ang binata, panay ang pagpapakawala ng mura.
Bumuga ng hangin si Charlie bago lumapit. Sa halip na awatin si Timothy, umupo siya sa tumbang puno sa unahan at pinanood ang binata. Ang sabi sa kanya ng tatay niya dati, kapag galit daw ang isang tao, mas makakabuti kung ilalabas nito ang galit na iyon. Basta huwag lang daw humantong sa punto na papatay na ito ng tao. Masama ang mag-ipon ng galit dahil dalawa ang posibleng kahantungan: sakit sa puso o may dadanak na dugo. Napatingin siya sa puno ng saging na mukhang malapit na ring maging pataba ng lupa. Lanta at tuyo na ang mga dahon.
Pasensiya na. Mapapaaga ang pagpanaw mo, aniya sa isipan. Keysa naman sina Janine o Jonas ang mapatay ni Timothy. Kahit galit siya sa ginawa ng mga ito, ayaw pa rin niyang dumanak ang dugo ng dalawa. Isa pa, makukulong si Timothy. Sawi na nga, mabibilanggo pa.
Muling nagmura si Timothy. Tagalog, malakas, malutong. Saka lang siya tila napansin ni Timothy.
"You!" may kasamang angil na sita nito. Napatayo siya nang magsimula itong lumapit. "Kilala mo ang tarantadong iyon, tama? Narinig kong tinawag mo siya sa pangalan niya. Alam mo na may relasyon silang dalawa. Kailan mo pa alam na nagtataksil sa akin si Janine?!"
Halos tumalsik na ang laway ni Timothy sa mukha niya dahil sa lakas ng sigaw nito. Kung nasa normal na sitwasyon sila, makikipagsigawan siya sa lalaki. Baka nga nasapak pa niya ito. Bakit pati sa kanya ay nagagalit ito? Sila dapat ang magkakampi ngayon. Pero wala sa normal na huwisyo si Charlie. Naroon pa rin ang hapdi sa puso niya. Sa likod ng mga mata niya, naghihintay ang mga luha niya na buksan niya ang "kandado" at nang makapadulas na ang mga iyon sa balat niya.
"Ano? Magsalita ka," untag ni Timothy sa kanya.
"Anim na buwan na ang lumipas. Nalaman ko na pinagtataksilan ka ni Janine noong...noong parehong araw na nalaman kong pinagtataksilan din ako ni Jonas." Nabahiran ng pagkabigla ang galit sa mga mata ni Timothy. "Nakita ko sila sa kusina ng bahay ni Jonas, nagpapalitan ng bacteria sa mga bibig. Nagtanga-tangahan ako no'n. Sabi ko pa, baka hindi makahinga si Janine o si Jonas, kaya pinapahiram ng isa ng oxygen ang isa. Pero iba na ang sitwasyon no'ng makita ko na...na..." Hindi niya magawang ituloy. Nag-init sa kahihiyan at galit ang mukha niya. Nakita niya na ipinasok ni Janine ang kamay sa loob ng shorts ni Jonas. Gusto niyang magtanga-tangahan uli. Baka bagong imbentong technique ng CPR 'yon. Hanggang sa buhatin na ni Jonas si Janine at isandal sa ref. Napahinto lang ang dalawa nang isaboy niya sa mga ito ang maantot na tubig sa flower vase na nahablot niya sa tabi ng TV. "May ginagawa silang hindi dapat," sabi na lang niya.
Nag-igtingan ang mga bagang ni Timothy. Parang gustong manuntok na naman.
"That guy," anito. "He's your boyfriend?"
"Ex na ngayon. Jowa na ng ex mo, eh."
Apat na buwan pa lang naman ang relasyon nila ni Jonas pero matagal-tagal na siyang may gusto sa lalaki. Painter ito, MAPEH teacher din sa highschool na nasa barangay nila. Nakilala niya si Jonas nang kunin siyang pintor ng Day Care Center sa barangay nila. Naroon din si Jonas, nag-volunteer na tutulong sa pagpipinta. Ilang araw din silang nagkasama doon ng lalaki hanggang sa maging magkaibigan sila. Pumupunta-punta ito sa bahay nila, tinuturuan siya ng ilang painting techniques. Hanggang sa turuan na rin siya nito na magustuhan ito. Bubrusko-brusko man siya, babae pa rin naman ang puso niya. Nagkaka-crush din. Pero ang narararamdaman niya para kay Jonas, alam niyang hindi simpleng crush lang.

BINABASA MO ANG
My Bride, My Enemy: CHARLIE (SOON TO BE PUBLISHED UNDER SWEETHEARTS ROMANCES)
RomanceHe dislikes her, she dislikes him even more. He needed a bride, she needed his money. Kaya ba nilang isantabi ang inis sa isa't isa para punan ang kani-kanilang pangangailangan?