MALI na naman si Charlie. Mali na naman siya ng naging husga kay Timothy at sa buhay nito. Ang akala niya, ang saya-saya ng buhay nito dahil mayaman ito, may sariling mga negosyo, nakatira sa mamahaling condo unit at nagmamaneho ng kotseng milyones ang halaga. Hindi perpekto ang buhay nito. Nalaman na niya na wala na itong ina, na hindi maganda ang relasyon sa mga kapatid.
At kagabi, nasagot ang ilang tanong niya tungkol sa tatay nito. Kung bakit may hinanakit ito roon. Hindi na kailangang ikuwento ni Timothy ang buhay nito dahil napagtagpi-tagpi na ni Charlie. Gayumpaman, umasa siya na mag-o-open up si Timothy sa kanya. Isa pa, umiyak na ito sa balikat niya.
Pagkauwi nila, dumiretso ito sa banyo at naligo. Paglabas nito, nanood ito ng TV habang umiinom ng beer. Nakiinom din si Charlie, nakinood, nakiramdam. Natapos ang isang episode ng TV series na inaabangan nito nang hindi ito nagsasalita. Nagsalita lang nang mag-aya nang matulog. Kagaya nitong mga huling gabi, ginagawa pa rin nila ang "technique" ni Timothy pero ramdam niyang may nagbago. Halatang wala ito sa tamang huwisyo. Kunsabagay, sino ba naman ang aaktong normal pagkatapos ng ganoong klaseng girian sa pagitan nito at ng ama?
Nagising kinabukasan si Charlie na mag-isa sa higaan. Pinakiramdaman niya ang paligid. Tahimik. Senyales na wala na si Timothy sa unit. Akma siyang babangon na nang may mapansin sa bedside table.
May isang tangkay ng bulaklak doon. Isang asul na rosas. Noong una, inakala niyang plastic iyon ngunit nang damputin niya't inspeksiyonin, nakumpirma niyang totoong asul na rosas iyon. Alam niyang may nag-e-exist na ganoong kulay ng rosas. Hindi lang siya makapaniwala na makakahawak at makakakita siya ng ganoon sa personal. Hindi lang ang bulaklak ang nakapatong sa bedside table, may note rin mula kay Timothy, pinapaalalahanan siya na kumain ng breakfast bago umalis, na mauna na siyang matulog dahil gagabihin ito. Hindi nito inilagay roon kung ano ang gagawin o saan ito pupunta.
I'm sorry for what happened last night. And thank you...for holding me. -Tim
Kusang umunat ang mga labi niya para sa isang ngiti, naalala ang pakiramdam habang nakadikit sa katawan nito.
"Wala pong anuman. Dito lang ako kapag kailangan mo uli ng mahahawakan at masasandalan...mister ko," parang tangang pagkausap niya sa note. Napakisay siya saglit sa kilig. Bumaba na rin siya ng kama para maghanda sa pag-alis. Siniguro muna niyang nailagay niya sa basong may tubig ang asul na rosas bago siya pumasok sa banyo.
Pagkatapos maligo, pumunta si Charlie sa bahay nila. Ngayon sisimulan ang construction ng bigasan nila. Pumunta sila pagkatapos sa sinasabi ni Gracia na magiging supplier nila ng bigas na may malaking puwesto sa palengke. Pagkatapos magkasundo sa presyo at ilang detalye, dumiretso sila sa Alabang para tingnan ang commercial space na pinaparentahan umano. Doon muna sila pansamantala habang naghahanap ng mas magandang puwesto para sa Simon's Handicraft Store. Ang balak niya, bibili sila ng maliit na lote at doon magpapatayo ng istruktura na magsisilbing opisina, tindahan, working station at bodega nila. May lima na silang laborers na dalawang buwan munang sasailalim sa training ni Mang Taloy-kaibigan at dating trabahador sa handicraft business ng tatay niya. Tatlong buwan mula ngayon nila balak buksan ang tindahan.
Dalawang units ang kinuha nila sa Chen-Sy Commercial Spaces, nasa unang palapag, magkatabi lang. Ang isa ang magsisilbing show room at opisina habang ang kabila ang magiging bodega at working station.
"Saan tayo sunod, 'Te?" tanong ni Gracia nang makalabas sila ng opisina ng manager ng Chen-Sy. "Maalala ko pala, 'di ba may commercial building din dito sa Alabang si Kuya Tim? Bakit hindi na lang tayo doon nag-renta?"
"Walang bakante. Nag-check na ako nakaraan sa Facebook page nila."
"Sayang. Pero saan ba 'yon banda? Silipin natin."

BINABASA MO ANG
My Bride, My Enemy: CHARLIE (SOON TO BE PUBLISHED UNDER SWEETHEARTS ROMANCES)
RomanceHe dislikes her, she dislikes him even more. He needed a bride, she needed his money. Kaya ba nilang isantabi ang inis sa isa't isa para punan ang kani-kanilang pangangailangan?