"THIS IS still so anbelibabol, Ate Charlie," pa-conyo na sabi ni Gracia kay Charlie habang nasa isang silid sila--silid ng isang five-star hotel sa Makati kung saan sila nagpalipas ng magdamag. Dalawang silid ang inokupa nila. Kasama niya sa iisang silid sina Gracia at Chinky habang ang nanay nila, sina Gizelle at Gio ay sa katapat na kuwarto. "Hindi pa rin ako makapaniwala na mag-aasawa ka na."
"Hindi ako mag-aasawa. Ikakasal lang ako." Inayos niya ang tali ng suot na silk robe at umupo sa silya kaharap ng malaking salamin. Nakita niya ang sariling repleksiyon. Bahagyang nanlalalim ang mga mata niya, kulang sa kulay ang mukha at alam niyang nabawasan ang kanyang timbang. Nagsiluwagan kasi ang mga pantalon niya. Dalawang linggo na siyang walang maayos na tulog at pahinga. Dalawang linggo na rin mula nang bumalik sila si Timothy sa Manila at humarap sa kani-kanilang pamilya para sabihing magpapakasal sila. Ngayon na ang araw na iyon. Ilang oras na lang, magiging "Mrs. Timothy Del Castillo" na siya. Anbelibabol talaga.
Tandang-tanda pa rin ni Charlie ang reaksiyon ng pamilya niya nang sabihin ang planong pagpapakasal kay Timothy. Bago iyon, sinabon muna siya ni Nanay Carmen patungkol sa video nila ni Timothy sa bar. Ipinaliwanag niyang dala lang ng kalasingan iyon. Hindi rin nakaligtas ang ginawa nilang pagtutukaan sa harap ng maraming tao. Hindi naman daw siya nito pinagbabawalan na makipaglandian o tumikim ng mga ganoon pero huwag naman daw sana 'yung lantaran. Pina-video pa niya at kumalat pa sa social media. Sinabi niyang na naipa-tanggal na ni Timothy ang video. Saka lang kumalma ang nanay niya.
"Siya nga pala, 'Nay, magluto po kayo bukas ng masasarap na foods. May darating pong bisita," sabi niya bago tumalikod ang nanay niya.
"Sino?"
"Sina Timothy at lola niya, si Doña Lorena."
Halatang naguluhan ang kanyang ina. "At bakit kasama ang lola niya?"
Bago sumagot, itinaas niya ang isang kamay at ipinakita ang kumikinang na singsing doon.
"Ikakasal na po ako kay Timothy."
At ang reaksiyon ng kanyang ina? Tumawa ito. Nakakatawa naman kasi talaga. Alam ng pamilya niya na naaalibadbaran siya kay Timothy. Nagsama lang sila ng isang araw at pagbalik niya, ikakasal na sila bigla? Ngunit nang sorpresang dumating kinagabihan ang mag-lola para "mamanhikan", hindi na nakatawa si Nanay Carmen. Ni hindi ito nakangiti. Halos maiyak ito nang umalis sina Timothy at Doña Lorena, pinagkamalan siyang buntis na kaya bigla-bigla, magpapakasal kay Timothy. Ipinaliwanag ni Charlie ang dahilan, inamin sa mga ito ang katotohanan. Na hindi bastang kasal ang mamamagitan sa kanila ni Timothy. Sinabi niya rin ang halaga ng kanyang gagawin. Gaya niya, tigagal din si Nanay Carmen matapos madinig ang halagang ibibigay sa kanya ni Timothy.
"Ayaw mo talaga na maging wifey ni Kuya Timothy? Ibig sabihin...walang honeymoon mamaya?"
Pinandilatan niya ang kapatid. "Wala! Hindi kasama sa kasunduan namin iyon."
Ang pakasalan ito, iyon lang ang trabaho ni Charlie. Hindi siya titira sa bahay nito, hindi ito pagsisilbihan bilang asawa at lalong hindi sila magsisiping. Nevar! Sinabi rin ni Timothy na ipapa-annul nila ang kasal pagkatapos ng isang taon. Hihintayin lang nito na lumipas ang ika-tatlumpo nitong kaarawan. Siguro naman daw, sa panahong iyon, kumbinsido na si Doña Lorena na ligtas na sa sumpa si Timothy.
"Paano kung umatake ang sumpa pagkatapos nating mapa-annul ang kasal?" naalala niyang tanong sa binata. "O paano kung kahit ikinasal tayo, ma...ma-dedo ka pa rin?" Kumatok siya sa mesita nilang kahoy pagkatapos.
Kumibit-balikat si Timothy. "Wala na tayong magagawa. Iyon na ang plano ng kapalaran sa akin. Na hanggang doon na lang ako."
"At ang lola mo, paano?"
Hindi nagsalita si Timothy pero nakita ni Charlie ang pagdaan ng takot sa mga mata nito.
"Ibig sabihin din, hindi tayo malalahian ng Del Castillo?" hirit pa rin ni Gracia. "Sayang. Ang ganda-ganda pa naman ng genes ni Kuya Timothy."
Magsasalita pa sana si Charlie nang may kumatok sa pinto. Si Gracia ang tumayo para pagbuksan ang mga dumating. Sina Nanay Carmen, Gizelle, Gio at Chinky ang dumating. Nanggaling ang apat sa garden na nasa rooftop, doon piniling mag-almusal.
"Hindi pa ba kayo mag-aalmusal?"
"Nagpa-room service na lang kami, 'Nay," sabi ni Gracia. Hindi pa natatapos magsalita si Gracia nang may kumatok uli. Ang almusal na nila iyon.
"Hala, kumain na kayo. Alas otso raw ang dating ng mag-aayos sa atin, 'di ba?"
Tumango si Charlie, nanikip ang lalamunan. Habang lumililipas ang oras, mas kinakabahan siya. Bagay na hindi niya dapat maramdaman dahil "kasal-kasalan" lang naman iyon. Trabaho lang, gano'n.
"Anak, sigurado ka na ba talaga dito? May apat na oras pa. Puwede ka pang umatras," sabi ng nanay niya nang marahil ay mapansin na balisa siya.
Umatras daw. Para ano? Para araw-gabi na usigin ng konsensiya niya? Umiling siya. "Naka-oo na po ako kay Timothy, 'Nay. Basta isipin na lang natin na may mga buhay na maililigtas sa gagawin kong ito--buhay ni Timothy, ng lola niya at buhay natin. Giginhawa na tayo."
"Ewan ko ba. Parang hindi ko maatim na gastahin ang isang milyon na 'yon. Pakiramdam ko kasi, ipinagbili na rin kita kay Timothy."
"'Nay," si Gracia, lumapit kay Nanay Carmen at inakbayan ito. "Hindi naman sila titira sa iisang bahay so safe si Ate. Sa atin pa rin siya mag-i-stay. At saka mabait naman po ang taong 'pinagbilhan' n'yo kay Ate Charlie. Hindi siya gaya ng ibang mayaman na matapobre. Tingnan n'yo na lang kung gaano niya kamahal ang lola niya. Kahit maglustay ng isang milyon, handa siya basta happy lang si Doña Lorena."
"Pogi pa," sabad ni Gio. "Ganoon na ganoon ang mukha ko kapag naging kasing edad na ako ni Kuya Timothy."
"Ew. Saang part kayo naging magkamukha ni Kuya Timothy? Ilong pa lang sablay na, Gio," si Gizelle. Nagkausap na sila nang masinsinan ng kapatid noong bumalik siya sa Maynila. Ipagpapatuloy pa rin daw nito ang pag-aaral hanggang makapanganak. Nakaharap na rin nila si Tristan, ang lalaking nakabuntis dito. Papanagutan nito ang bata at tutulong sa gastusin.
Nakikantiyaw si Gracia. Mayamaya lang, naglalaitan na ng ilong ang mga kapatid niya.
"Magsitigil nga kayo," saway ng nanay nila. "Pare-pareho naman ang mga ilong n'yo, parang height ng Ate Charlie n'yo, kinulang sa taas."
Napuno ng halakhakan ang buong silid. Pati si Chinky na hindi pa naiintindihan ang nagaganap, tumatawa rin. Napangiti si Charlie habang pinagmamasdan ang pamilya niya. Mas nakumbinsi siya na tama ang desisyong tanggapin ang alok ni Timothy. Tama ang binata sa minsang sinabi: gagawin niya lahat para protektahan, pasayahin at bigyan ng maginhawang buhay ang pamilya niya.

BINABASA MO ANG
My Bride, My Enemy: CHARLIE (SOON TO BE PUBLISHED UNDER SWEETHEARTS ROMANCES)
RomanceHe dislikes her, she dislikes him even more. He needed a bride, she needed his money. Kaya ba nilang isantabi ang inis sa isa't isa para punan ang kani-kanilang pangangailangan?