"'NAK, nagtataka na ang mga kapitbahay natin kung bakit parang ang dami nating pera. Naipaayos na natin ang bubong ng bahay natin, nalaman nila na pinautang ko si Tonyo at nakita nilang may bagong motor si Gio. Baka raw tumama tayo sa lotto nang milyones, ayaw lang nating mangbalato."
"Hayaan n'yo silang magtaka, 'Nay. Hayaan n'yo silang pag-usapan tayo. Wala namang bago r'on." Bahagya lang na sinulyapan ni Charlie si Nanay Carmen mula sa pinipintang sunflower field. "Basta kahit anong mangyari, huwag na huwag n'yong sasabihin kahit kanino kung saan natin nakuha ang pera. At huwag na rin n'yong singilin si Mang Tonyo sa ipinahiram n'yo."
Na-ospital ang matanda nakaraang linggo matapos mag-collapse. Tumaas daw ang dugo. "Pinautang" nila ito sa pambayad sa ospital, binayaran na rin nila ang utang sa tindahan nito. Ang balak nilang pagtatayo ng sari-sari store sa tapat, hindi na nila itinuloy bilang respeto na rin kay Mang Tonyo. Ayaw nilang maging kakompetensiya pa nito sa negosyo.
"Siyempre hindi ko na siya sisingilin. Sinabi ko na lang nga na nanalo tayo ng beinte mil sa small time lottery kaya nakapag-down tayo sa motor ni Gio. Bahala sila kung maniniwala o hindi. Para namang hindi ko alam kung gaano katatabil ang dila ng mga 'yan." Umupo ito sa tabi niya. "Eh, 'nak, bakit ba gumagawa ka pa rin niyan. May pera ka na, ah. Milyonaryo ka na."
Milyonaryo. May dalang kilabot kay Charlie ang salitang 'yon. Pangarap niya iyon noon pa. Isang pangarap na nagkatotoo pero ewan ba, hindi niya magawang matuwa o lustayin ang perang iyon. Kung puwede nga lang na hindi na niya galawin. Nakokonsensiya siya dahil hindi naman talaga niya pinaghirapan ang salapi na nasa bank account niya ngayon. One point five million. Iyong kalahating milyon, para umano sa handicraft business niya. Nabawasan na nila ng singkuwenta mil ang pera--ipinahiram nila kay Mang Tonyo, binayaran ang utang, ipinaayos ang bubong ng bahay nila at pinang-down sa motor ni Gio. Hindi niya kinuha nang cash ang motor kahit may pang-cash naman siya. Huhulog-hulugan pa rin niya buwan-buwan, mula sa sarili niyang bulsa.
"Hindi ka rin ba komportable na gastahin ang perang ibinigay ni Timothy?" tanong ni Nanay Carmen.
Tumango siya. "Mahirap kumita ng pera, 'Nay. Alam na alam ko po 'yon. Iyong isang libo nga, dalawang gabing puyatan pa ang gagawin ko para maipon. Eh 'yung isang milyon? Iniisip ko kung anu-ano ang pinagdaanan ni Timothy para kitain iyon. Isauli ko na lang kaya, 'Nay?"
"Hindi kita pipigilan, anak. Isa pa, hindi naman ako naghahangad na yumaman. Maayos na ako na sama-sama tayo, kumakain nang tatlong beses sa isang araw, malusog at ligtas. Alam mo naman na nanggaling ako sa may-kayang pamilya kaya alam ko na hindi pera ang totoong magpapaligaya sa isang tao. Mas napatunayan ko iyon nang makilala ko ang tatay mo." Bumuntong-hininga ang nanay niya. "Eh, maiba tayo. Nasaan na ba si Timothy ngayon?"
Hindi alam ni Charlie. Tatlong linggo na mula nang ikasal sila. Ganoon na rin katagal na hindi niya ito nakita. Pagkatapos nila sa reception, sumama ito sa paghatid sa kanila pabalik sa hotel. Nanatili pa silang mag-anak nang isang gabi roon. Hindi niya alam kung saan na nagsuot si Timothy pagkatapos. Pero nakausap niya ito sa cellphone isang linggo na ang lumipas. Ipinaalam sa kanya na naideposito na nito sa account niya ang panggastos sa handicraft business. Hindi na sila nakapag-usap nang matagal dahil mukhang nagmamadali ang lalaki
"Sandali...hindi ba't mag-bi-birthday na si Timothy, anak? O nag-birthday na siya?"
Tiningnan ni Charlie ang kalendaryo sa dingding. Alam niya ang birthday ni Timothy dahil nasilip niya sa marriage contract nila--na ito ang nagtago.
"Sa makalawa ang thirtieth birthday niya."
"Oh, eh hindi mo ba babatiin? O kukumustahin? Kailangan mong malaman kung ligtas na ba siya sa sumpa. Tawagan mo, anak."
Naeskandalo si Charlie. "'Nay, ayoko po. Bakit ako ang mauunang tumawag?"
"Eh ikaw ang mangungumusta. At ano ang masama? Partners in crime kayo kumbaga. Siyempre may karapatan kang malaman kung may bisa ba ang kasal-kasal ninyo."
"Baka sabihin no'n, feeling misis ako. At saka ano po ang itatanong ko? Kung humihinga pa ba siya?"
"Puntahan mo na lang kung ayaw mong tawagan. Tingnan mo ang kondisyon niya."
"Mas lalong ayoko, 'Nay. Hindi ko alam kung saan siya nakatira. Sinabi niya na aalis na siya sa bahay ng lola niya pagkatapos ng kasal kaya wala na iyon sa mansiyon."
"Bahala ka kapag nabalitaan mo isang araw na biyuda ka na," pananakot pa ni Nanay Carmen sabay tayo. Iniwan siya na nakatitig na lang sa ipinipinta, nag-iisip. Dapat nga ba niyang tawagan si Timothy at kumustahin? Pero tapos na ang trabaho niya rito. Sa susunod na taon na naman iyon magpapatuloy--kapag nagsimula na ang annulment case nila.
Nawala na sa kondisyon si Charlie. Pumunta siya sa silid at kinuha ang de-gomang cellphone. Matapos ang mahabang sandaling pakikipag-debate sa isip, tinawagan niya ang numero ni Timothy. Subalit unattended na iyon. Nagpalit ba ito ng numero? Bakit nadismaya yata siya?
TIMOTHY was in the middle of cooking his breakfast when he received an unexpected visitor that day.
"Are you cooking?" tanong ni Grandma Lorena nang papasukin ni Timothy sa unit. Nakasunod si Anette na kumaway sa kanya.
"Yeah. Kumain na kayo? It's almost done. Saluhan n'yo ako."
Bumalik siya sa kitchen at ipinagpatuloy ang ginagawa. Island counter lang ang division ng kitchen at living room kaya natatanaw pa rin ni Timothy ang mga bisita. Patingin-tingin sa paligid si Grandma Lorena, may kunot sa noo.
"You're alone here," anito mayamaya. "Where is your wife?"
"She went out for a while. May binili lang sa grocery."
"May binili lang? O hindi talaga nakatira dito?"
Umarko pataas ang sulok ng labi ni Timothy. Okay, here we go.
"Come on, Grandma. We can stop pretending here. Alam kong alam ninyo ang ginawa ko."
Pumatag ang noo ng abuela, dumaan ang guilt sa mga mata. "I'm so sorry, apo. Kinailangan mong humila ng kung sinong babae lang at dalhin sa altar para pagbigyan ang gusto ko. Hindi ko rin mapigilang sisihin ang sarili ko sa nangyari sa inyo ni Janine. The last time I talked to her, I told her the wedding must happen. Sinabi ko na hinding-hindi siya puwedeng mag-back out or there'll be consequences. I can tell she was threatened, she was pressured. Kaya nang malaman ko na--"
"Grandma," malumanay na awat niya sa pagsasalita nito. "You're not at fault here. Wala kayong kasalanan. Wala kayong ginawang mali. Janine knew our story yet she chose to leave me behind. Patunay lang iyon na wala siyang pakialam sa akin. I'm doing everything to forget her. Do that, too, Grandma."
Malungko na tumango ito. Gusto ng lola niya si Janine. Sa lahat ng babaeng ipinakilala niya, kay Janine ito naging mas komportable. "Tomorrow's your birthday. Sigurado ka ba na ayaw mong mag-celebrate sa mansiyon?"
"I just want to stay here. I'll visit next week. May mga gamit din akong kukunin doon." Wala sa kondisyon si Timothy na lumabas o makisaya kahit pa panay ang ungot ng mga kaibigan at ni Gil na bigyan siya ng party. Maybe he's getting old for those kinds of stuff.
"But it's your thirtieth birthday, hijo. Hindi ako komportable na mag-isa ka lang dito. Sasamahan ka namin ni Anette."
Lumabas siya ng breakfast counter at lumapit sa lola niya. Niyakap niya ito mula sa likod, ipinatong ang baba sa balikat nito. "I'm fine." Ipinakita niya ang kamay kung saa suot ang wedding ring niya. "See? I'm married now. Ligtas na ako sa sumpa."
"Pero, hijo..." nauwi sa pagbuntong-hininga ang kung anumang sasabihin nito. Kumawala ito sa kanya at humarap. "Oh siya, stay here. But I want you to keep your phone open twenty four seven. Tatawagan kita maya't maya ."
Nag-thumb's up siya rito. "Let's eat now. Tikman n'yo ang bagong imbento kong breakfast."
"Ano naman 'yon?" si Anette.
"Fried eggs," nakangisi niyang tugon.
(tbc...)

BINABASA MO ANG
My Bride, My Enemy: CHARLIE (SOON TO BE PUBLISHED UNDER SWEETHEARTS ROMANCES)
RomanceHe dislikes her, she dislikes him even more. He needed a bride, she needed his money. Kaya ba nilang isantabi ang inis sa isa't isa para punan ang kani-kanilang pangangailangan?