抖阴社区

--37--

5.4K 228 0
                                        

PINAGMASDAN ni Charlie ang mga sugat sa mukha sa salamin ng banyo ng tinutuluyang inn. Nagsisimula nang mangamatis ang nguso niya, kakulay na ng talong ang pasa niya sa pisngi at kanina pa kumikirot ang ulo niya. Namamaga ang anit niya, may mga maliliit na sugat doon at ilang hibla ng buhok ang nahulog kanina nang suklayin iyon gamit ang mha daliri. Kinalkal niya ang supot na dala, inilabas ang mga binili sa Mercury Drug sa tapat. May panghugas ng sugat, may alkohol, bulak, disinfectant soap at aspirin. Naghilamos muna siya bago ginamot ang mga sugat niya.

Hindi iyon ang unang beses na humarap siya sa salamin na ganoon ang hitsura. Noong nasa highschool siya, may ipinagtanggol siyang babae mula sa tatlong bully. Nakakatawa lang dahil ngayon, ang babaeng iyon ang dahilan kaya sugatan ang kanyang mukha. Doon nagsimula ang pagkakaibigan nila ni Janine. Natatandaan pa niya na ito ang gumamot noon sa mga sugat niya.

Nasaan na ba ang Janine na minahal niya? Ang Janine na pinrotektahan niya? Dati pa man, aminado na siyang may attitude si Janine. Transferee ito sa school nila noong third year highschool sila. Naging sikat agad sa school nila si Janine dahil nga sa hitsura nito. Pero ayaw nitong makipagkaibigan kahit kanino. Marami ang naiinis dito. Siya lang ang bukod-tangi na nakatibag sa pader na iniharang nito sa sarili. Isang araw pagkatapos niyang makipagbugbugan sa mga kaaway nito, umupo ito sa tabi niya at idineklarang magkaibigan na sila. Kumibi-balikat lang siya noon, hindi sineryoso ang sinabi nito. Pero si Janine, seryoso. Halos ayaw na nitong humiwalay sa kanya. Nakasanayan niya hindi nagtagal ang presensiya nito. Oo, may pagka-spoiled ang babae at naunawaan niya kung bakit ito ganoon. Talagang spoiled ito ng sariling mga magulang. Solong anak ito, sunod lahat ang luho, sunod lahat ang gusto. Isang prinsesa si Janine. Katunayan, sa school nila, "Princess and the Pauper" ang tawag sa kanila ng mga ka-eskuwela. "Very poor person" ang ibig sabihin ng "Pauper" sa diksiyonaryo.

Hanggang sa mag-dalaga sila, napanatili nila ang pagkakaibigan nila. Hindi iyon perpekto, maraming beses na rin silang nag-away at nagkasakitan. Sa huli, nagkakaayos sila, ang isa't isa pa rin ang tinatawag nilang "best friend".

Pero iba ang sitwasyon ngayon. Malalim na ang sugat na nilikha nito sa kanya. Maghihilom ang mga iyon isang araw, pero alam niyang matatagalan.

Lumabas ng banyo si Charlie at humiga sa kama. Sinubukan niyang matulog pero paikot-ikot sa isipan niya ang mga nangyari kanina...ang mga binitiwang salita ng lola ni Timothy...at si Timothy. Napapikit siya, niyakap ang sarili, nahiling na sana, naroon ang lalaki. Gusto niyang puntahan ito kanina sa opisina nito, gusto niyang magsumbong, magpakampi, gustong maramdaman ang yakap nito. Pero may pasya nang nabuo si Charlie. Hindi na siya lalapit kay Timothy, hindi magpapakita rito, hindi na ma-i-involve sa buhay nito. Isa pa, sa ganoon din naman sila magtatapos, hindi ba? Sa huli, tutuldukan din nila ang kasunduan nila. Kung tutuusin, wala sa kasunduan nila ang maging ganoon kalapit sa isa't isa. Ang pakasalan ito, ang pumirma sa annulment papers, um-attend ng annulment case-ang mga iyon lang ang nakasaad sa kasunduan nila. Hindi kasama roon ang mahulog siya kay Timothy. O ang pangarapin na makasama ito hanggang uugod-ugod na sila.

"Tapos na ang trabaho mo rito. My grandson no longer needs your service."

"Masusunod po, Madam," mapaklang usal niya sa kadiliman.

Kinabukasan, nakigamit siya ng landline ng inn, tinawagan si Gracia upang ipaalam ang lagay niya. Alam niyang alam na ni Timothy ang nangyari. Alam niyang pupuntahan siya nito sa kanila. Alam niyang nag-aalala na ang pamilya niya. Hindi nga siya nagkamali.

"Ate, dito natulog si Kuya Tim. O natulog nga ba 'to? Nasa kusina siya, kausap si Nanay-"

"Huwag mong sabihing kausap mo ako, Gracia. Sabihin mo lang kay Nanay na ayos lang ako. Uuwi ako diyan a-at huwag na kayong gagalaw ng maski isang sentimo sa pera sa bangko. Ibabalik natin 'yan kay Timothy."

My Bride, My Enemy: CHARLIE (SOON TO BE PUBLISHED UNDER SWEETHEARTS ROMANCES)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon