抖阴社区

--21--

5.5K 229 6
                                    

LITONG-LITO si Charlie nang imulat ang mga mata at makitang hindi niya kilala ang silid na kinaroroonan. Pero ang mga mukhang tumambad sa kanya, kilala niya. Si Gracia at ang nanay niya.

"'Nak!" singhap ni Nanay Carmen, lumapit sa higaan niya. "Kumusta ka na, hmm? May masakit ba sa'yo?"

Kumurap lang siya rito. Napatitig siya sa bagay na nasa bandang likuran nito. Dextrose bag at nakakabit ang tubong iyon sa kamay niya. Napalunok si Charlie, kinilabutan. Malakas ang takot niya sa karayom. Noong nasa elementary kasi siya, nakagat siya ng aso sa binti. In-injection-an siya sa tabi ng sugat niya at dahil malikot, nag-shoot sa mismong sugat niya ang karayom. Baon ang kalahati. Natadyakan pa niya sa mukha ang nurse dahil sa sobrang sakit ng ginawa nito. Tumatak iyon sa musmos niyang isip na sa tuwing makakakita siya ng injection o mahahabang karayom, parang nararamdaman uli niya ang sakit.

"'Nay, bakit gano'n?" si Gracia. "Bakit parang hindi tayo kilala ni Ate?"

Natutop ni Nanay Carmen ang bibig. "Diyos kong mahabagin! Nagka-amnesia ang anak ko. Hindi na niya tayo makilala, Gracia. Ang kawawa mong ate!" At pumalahaw ng iyak si Nanay Carmen, napaluhod pa sa sahig habang nakatingala. "Simon, ang anak mo! Hindi na kami kilala ng anak mo!"

Ay hala? Maingat na bumangon si Charlie, napamura sa isip nang umatake ang matinding kirot sa ulo niya. Parang binibiyak iyon. Nang hawakan, nakapa niya ang bendang nakapalibot doon. Mahapdi rin ang ilong, pisngi at kaliwang braso niya. May mga gasgas siya roon.

"'Nay!" tawag ni Charlie sa ina na pumapalahaw pa rin sa sahig. "Wala akong amnesia, ano ba kayo?"

Awtomatikong natahimik ito. Lumuluha na tumayo ito at tumanghod sa kanya. "Kilala mo ako, anak? Ibig sabihin, wala kang amnesia?"

Sumimangot siya. "Wala ho. Teledrama pa kasi," aniya. "Pakitulungan naman akong bumangon. Nahihilo po ako."

"Humiga ka muna. Hintayin natin na dumating ang doktor mo. Eh, natatandaan mo ba kung ano'ng nangyari sa'yo?"

Hinalukay ni Charlie ang isip. "May humampas sa ulo ko. May umatake sa akin habang naroon ako sa mini park ng condo. Nasaan na ang walanghiyang iyon? Nahuli na ba siya?"

"Nandoon pa rin siya sa park, nagbibigay ng sariwang hangin at lilong sa mga tao at hayop," sagot ni Gracia. "Ate, walang umatake sa'yo. Nahulugan ka ng sanga ng acacia diyan sa ulo mo. Malaking sanga. Mga kasing laki ng braso ni Kuya Tim."

Kuya Tim. Kumulo ang dugo niya nang maalala kung bakit napadpad siya sa park. "Gracia, pumunta ka sa unit ni Timotheo at kunin ang mga gamit ko-iyong sepilyo ko, ang sabon at shampoo ko. Kunin mo rin sa terrace ang mga isinampay kong bra at panty."

"Uh, ano? Nagsampay ka ng salawal sa terrace ng sosyal na unit ng asawa mo? Kaiba ka."

"Hindi ko siya asawa! At saka mahangin d'on, eh. Madaling matuyo ang mga sinampay. Hindi na ako babalik doon kaya sige na, kunin mo na-"

Napahinto siya nang bumukas ang pinto ng silid at pumasok ang walang iba kundi si Timothy. Blangko ang anyo nito nang tumingin sa kanya. Bumangon siya at ibinato rito ang unan. Bagay na pinagsisihan niya rin agad nang umatake ang matinding kirot sa ulo niya.

"A-Aray ko..." daing niya, nagkandaduling sa sakit.

"Careful, okay?" Sa isang iglap lang ay nasa tabi na ng kama si Timothy, nakahawak sa balikat at likod ng ulo niya. "Sariwa pa ang tahi sa ulo mo."

Sukat sa narinig ay napamulat siya. "May tahi ako sa ulo?"

"Three stitches. May bukol ka rin sa noo."

"Bukol? Eh di mukha na akong rhino?" Kinapa niya ang noo. Benda ang nadama ng palad niya.

"No. You looked like a unicorn," sabi ni Timothy, may pagkaaliw sa boses.

My Bride, My Enemy: CHARLIE (SOON TO BE PUBLISHED UNDER SWEETHEARTS ROMANCES)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon