Lost
Sinisipat ko sya ng palihim sa gilid ko, kasalukuyan na kaming nakapila pababa ng barko. Tahimik lang sya sa tabi ko, salubong ang kilay.
Kinakagat-kagat ko ang labi ko. Hindi alam kung paano sya kakausapin.
Galit pa din ata. Atsaka medyo na awkward ako. Hindi ko kasi nabigay yung IG ko kanina kasi pumasok 'yong isang roommate namin, may mga kasama at doon na tumambay.
Napakamot ako ng sa batok. Nas-stress pa ako kasi kanina pa kami nakatayo dito sa hallway, mga fifteen minutes na siguro, okay lang naman sana pero ang bigat ng bag ko, dala ko pa 'yong higanteng maleta ko.
Napapikit ako ng makaramdam ng sakit sa bandang kanang balikat, ayoko namang ilapag baka madumihan at ayokong nang alisin tapos ibabalik ko lang din naman ulit, mas napapagod ako sa ga'non.
Napa buntong-hininga ako.
Tinalikuran ko ulit sya, tumaas ang kamay ko at wala sa sariling hinilot ang balikat ko.
Medyo nasa unahan kami ng pila, gusto ko kasing mauna kaming makababa. Kahit alam 'kong hindi na kami makakaabot sa lantsa pero baka kasi maubusan kami ng taxi, ayoko di namang mag jeep.
Nagulat ako ng biglang umangat ang bag ko at gumaan ang pakiramdam ng balikat ko. Agad akong napalingon, nakahawak na si Solomon sa handle ng bag ko at itinataas na nya.
"Palit tayo, ako na dito..."
"Mabigat 'to. Ako na." Sunod-sunod ang iling ko, nakakahiya.
"Take off this bag, I'll take it." Diretso syang nakatingin sa akin, seryoso.
"Huwag na-" Napatigil ako ng makitang sumisimangot na naman sya.
Agad 'kong hinubad yung bag ko, inalis nya rin yung kanya at isinuot sa akin. Anong laman nito bukod sa mamahaling camera nya at damit?
Parang wala syang masyadong dalang gamit.
"Ang gaan!" Grabe yung ginhawa ng balikat ko pero sya parang wala lang sa kanya 'yong bigat ng bag ko.
Minani nya lang. Pero hindi nya pa din ako sinasagot.
"Oo nga pala, okay lang ba sayo na mag taxi tayo pagbaba? Pwede naman mag jeep ang kaso ayoko ng makipag siksikan atsaka pag jeep magka cutting trip din tayo, magba bus pa tayo after..."
Tinignan ko sya pero suplado pa din syang nakatingin sa akin.
"Uh, kaya taxi na lang deretso Surigao City na 'yon. Mga two hours travel and mas convenient kasi rush hour na..."
Mas lalo akong nahiya kasi hindi nya talaga ako sinasagot, hindi ko nga alam kung nakikinig pa sya kasi nag iwas na sya ng tingin sa akin.
Nakatingin na sya ngayon sa mga bagong sakay na mukhang galing bakasyon, hula ko ay galing Siargao ang mga 'to.
Grupo sila at ang gaganda ng mga girls na nagtatawanan, napapatingin na rin kay Solomon 'yong ibang girls.
"At hindi na tayo aabot sa lantsa..." Mahina ng sabi ko at tuluyan na akong tumigil sa pagsasalita ng makitang hindi talaga sya nakikinig. Kinagat ko ang labi ko, may kung ano na naman sa tyan ko pero hindi ko na nagugustuhan 'yon. Parang may masakit na nakabara sa lalamunan ko.
Bago pa bumalik sa akin ang tingin nya ay nag iwas na ako.
Tuluyan ko na lang syang tinalikuran.
He cleared his throat. "Uh, Taxi is fine..."
"Paunawa sa lahat na wala 'pong magtutulakan palabas, lahat ng inyong gamit ay siguraduhing..." hindi ko na pinakinggan ang announcer ng magsimulang gumalaw ang pila.
