Naramdaman ko ‘yung pag-angat ng eroplano bago ko pa siya marinig.
‘Yung pag-ikot ng makina.
‘Yung pag-vibrate ng upuan.
‘Yung paghapdi ng lalamunan ko kahit hindi pa ako umiiyak.
Humigpit ‘yung hawak ko sa seatbelt habang unti-unting bumibilis ang takbo ng plane. Hindi ko na tiningnan ‘yung paligid. Hindi ko rin alam kung sino ‘yung katabi ko. Wala na akong pakialam.
Ang iniisip ko lang ay isang bagay:
Tapos na.
Wala na.
Iniwan ko na siya.
Napakabilis ng mga nangyari kanina—airport, check-in, yakap kina mama, paalam, gate number, announcements. Paulit-ulit na pinapaalala ng mga tao na “be strong,” pero ni hindi nila alam kung ano ‘yung binibitawan ko.
Hindi nila alam kung gaano ko siya pinilit bitawan.
Bumaling ako sa bintana.
Piliting ‘wag umiyak, Eli. Please. Hindi pa dapat ngayon.
Pero pagtingin ko sa labas, ang una kong nakita?
‘Yung langit na palapit nang palapit.
Pumikit ako.
Hininga. Isa pa. Sige, kayang kayanin.
Pero kasabay ng pag-angat ng eroplano, ‘yung bigat sa dibdib ko parang hindi na kasya. Parang sinisiksik ng puso ko ‘yung lahat ng hindi ko nasabi kanina.
“Rhy, hindi ko alam kung kaya ko ‘to.”
Isang pirasong luha ‘yung naunang bumagsak. Hindi ko na napigilan. Hindi ko rin tinakpan.
Sunod-sunod na siya.
Hindi ‘to iyak na may hikbi o ingay. Tahimik lang.
Yung tipong... may namatay.
At totoo naman eh. May parte sa’kin na naiwan doon sa gate. Naiwan sa kanya.
Napatingin ako sa kamay ko—walang hawak. Wala na ‘yung mainit niyang palad. Wala na ‘yung kabadong pagkakahawak niya bago ako pumasok sa boarding gate.
Ang lamig. Ang layo.
At masakit.
Sinubukan kong ngumiti kahit wala namang tao sa harap ko. Pero ang pangit ng ngiti ko. Pilit. Basag.
“Pambihira ka, Rhy…”
“Bakit mo pa kasi ako minahal kung alam mong aalis din ako?”
Gusto kong isumbat. Gusto kong murahin ‘yung sitwasyon.
Pero hindi ko magawa. Kasi kahit masakit, minahal ko rin siya. Buo. Sobra. Walang bawas.
Tumulo na naman ‘yung luha ko. Pinunasan ko, pero may kapalit agad. ‘Di na ako nakipaglaban. Hinayaan ko na lang.
Sa labas ng bintana, unti-unti nang nawawala ‘yung mga ilaw sa lupa. Mas lumalayo na kami.
Mas lumalayo na ako sa kanya.
At sa bawat segundo na lumilipas habang lumilipad kami, parang unti-unting tinatanggal sa katawan ko ‘yung koneksyon naming dalawa.
Pero ang totoo? Ayoko pang putulin.
Ayoko pa siyang bitawan.
At sa mismong moment na ‘yon, habang nasa alapaap na ‘yung eroplano at hawak ko lang ay ‘yung sarili kong katahimikan, isang pangalan lang ang paulit-ulit sa isip ko:
Rhyler.
Rhyler.
Rhyler.
At habang tahimik akong umiiyak sa tabi ng bintana, sinubukan kong ipikit ang mga mata ko para kahit papaano, maalala ko ‘yung mukha niya.
‘Yung huling ngiti niya bago niya akong binitiwan.
‘Yung mata niyang pilit tinatago ‘yung lungkot.
At ‘yung huling haplos niya sa kamay ko na parang sinisigaw ng balat niya, “Huwag kang umalis.”
YOU ARE READING
Strings of Fate
Random"Hindi ako magbo-boyfriend. Hindi ako iiyak sa lalaki. At lalong hindi ako magpapakatanga sa love." That's Eli's rule. After seeing her friends fall apart because of boys, she promised herself she'd stay focused. No distractions, no commitments, no...
